Advertisers
KINUMPIRMA ni Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla na lumabas na ang International Police (Interpol) red notices laban kay dating Bureau of Correction Chief Gerald Bantag, ex-Lt. Col. Rafael Dumlao III, at negosyante si Charlie “Atong” Ang.
Sinabi ni Remulla na bagama’t kumpleto na ang mga requirement sa paglalabas ng red notice laban kay ex-Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, hindi pa naaprubohan ito ng Interpol.
“Yung kay Zaldy Co, it was filed Sept. 2025 hindi pa gina-grant ang red notice niya. So complied na lahat yun”.
Sinabi ni Remulla na medyo nahihirapan ang mga otoridad sa pagtugis o paghahanap sa mga nasabing pugante at ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya at umaasa siyang madadakip rin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Isinaad din ni Remulla na napagsabihan niya ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa ginanap na command conference dahil sa kabiguan na maaresto ang mga wanted na individual na sangkot sa high-profile case.
“Medyo binoldyak ko na ‘yung mga pulis natin. Sabi ko, 200,000 kayo, alangan naman ‘di n’yo kayang hanapin tatlong tao lang, di ba? Galingan n’yo na,” saad ni Remulla .
Wanted si Bantag sa pagkakasangkot sa pagpatay sa radio commentator na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at bilanggo na Crisantito “Jun Villamor” Palanan na middleman sa pagpatay kay Lapid.
Si Lapid ay pinagbabaril at napatay habang sakay sa kanyang sasakayan sa Las Piñas City, Oct. 3, 2022.
Noong April 2023, naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court laban kay Bantag kaugnay ng pagkamatay ni Jun Villamor, umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid.
Naglaan ang Department of Justice ng P2 million reward para sa makapagbibigay ng impormasyon at pagkakadakip ni Bantag.
Samantala, si Dumlao ay sangkot sa pagkidnap at pagpatay sa Korean national na si Jee Ick–Joo noong Oct 18, 2016. (Mark Obleada)