Advertisers
NAKALAANG testigo para sa Article 4 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang isang psychiatrist upang magsagawa ng objective at ekspertong pagsusuri sa umano’y mga banta ng bise presidente.
Sinabi nina House trial spokespersons Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Atty. Benjamin Tolosa Jr., layunin ng testimonya na matukoy kung ang mga pahayag ni Duterte ay seryosong banta at hindi biro, pasaring o padalus-dalos na pananalita.
Ayon kay Tolosa, makatutulong ang expert testimony upang maipakita ang intensyon sa likod ng mga umano’y banta at kung nilayon nitong takutin ang mga tinukoy na indibidwal.
Samantala, sinabi ni Adiong na magiging objective at non-partisan ang psychiatrist sa pagsusuri sa mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Iginiit ng House prosecution na ang pagkuha ng psychiatrist ay hindi para gawing politikal ang paglilitis kundi upang matulungan ang impeachment court na matukoy kung ang mga umano’y banta ay seryoso, sinadya at dapat unawain batay sa konteksto.