Advertisers
Hindi sapat na magkaroon lamang ng mga pangakong pangkaunlaran.
Sabi nga, ang tunay na sukatan ng mahusay na pamamahala ay ang mga proyektong direktang nararamdaman ng mamamayan.
Ito ang ipinakikita ngayon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos sa pamamagitan ng magkaugnay na programang tumutugon sa dalawang pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya—proteksiyon laban sa baha at seguridad sa pagkain.
Sa pangunguna ni Pangulong Marcos, patuloy na isinusulong ang G. Araneta Drainage Improvement Project sa Quezon City.
Aba’y layunin nitong tuluyang mabawasan ang pagbaha na matagal nang nagpapahirap sa mga residente, motorista, at maliliit na negosyo.
Hindi lamang pagtatayo ng imprastraktura ang ipinapakita rito, kundi isang pangmatagalang solusyon upang mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Kapuri-puri rin ang panawagan ni PBBM sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling malinis at maayos ang mga daluyan ng tubig.
Mahalaga ang mga proyekto, ngunit higit na magiging epektibo ang mga ito kung may disiplina at sama-samang pagkilos ang pamahalaan at mamamayan sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.
Kasabay nito, patuloy namang inihahatid ni FL Liza ang programang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” na nagbibigay ng de-kalidad na bigas sa libu-libong benepisyaryo sa Metro Manila.
Ang programang ito ay malaking tulong sa mga pamilyang patuloy na hinaharap ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Higit pa sa agarang ayuda, may mas malalim na layunin ang naturang inisyatibo. Ang bigas na ipinamamahagi ay direktang nagmumula sa mga lokal na magsasaka, kaya’t habang natutulungan ang mga mahihirap na pamilya ay napapalakas din ang kabuhayan ng sektor ng agrikultura.
Isang halimbawa ito ng programang may benepisyo sa magkabilang panig.
Hindi maitatanggi na ang paglaban sa baha at paglaban sa gutom ay parehong mahalagang bahagi ng tunay na kaunlaran. Kapag ligtas ang komunidad sa kalamidad at may sapat na pagkain ang bawat tahanan, mas nagiging matatag ang bawat pamilyang Pilipino. Ito ang uri ng serbisyong hindi lamang nakikita sa mga proyekto, kundi tunay na nararamdaman sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
***
Catch Gilbert Perdez on “HIMIG AT BALITA” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM, followed by “DWIZ TODO BALITA” from 5:00 AM to 6:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and concerns, you may contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.