Advertisers

Advertisers

ISKO, PINASINAYAAN SENIOR CITIZENS’ PARK AT PET PARK

0 9

Advertisers

Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Miyerkules ng umaga, Agosto 12, ang pagpapasinaya sa Senior Citizens’ Park at Community Pet Park sa Pandacan, pitong buwan matapos itong simulan noong Enero.

Ang halos isang ektaryang parke ay unang sinimulan noong Enero 2026 sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Budget and Management (DBM), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Domagoso, matagal nang pinagmumulan ng alikabok at polusyon ang lugar na ito para sa mga residente ng Pandacan. Aniya, dati itong bakanteng lupain at hindi napapakinabangang ari-arian na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng komunidad.



Sinabi ng alkalde na nakikinabang na agad ang mga residente sa bagong parke. Ibinahagi niya na bago magsimula ang seremonya ay nakita niyang may isang senior citizen na nag-eehersisyo roon.

“Kanina may napansin kami ni (MMDA) Chairman Artes, mayroon na kaagad nakinabang sa senior citizen natin, may naglalakad doon na isa, ligtas, maayos, na siguro nag-e-exercise,” ani Domagoso.



Pinasalamatan din ni Domagoso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suporta sa proyekto sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa politika.

“Isinantabi niyo ’yun, isinantabi ko ’yun. Nagtulungan siya, binoto na Presidente, ako naman ibinalik niyong Mayor, may obligasyon sa Maynila,” ani Domagoso.



Kinikilala rin ng alkalde ang Robinsons Land Corporation sa naging donasyon nito para sa proyekto. Hinikayat naman niya ang mga opisyal ng barangay sa Pandacan na tumulong sa pangangalaga at seguridad ng parke.

Samantala, sinabi ni Budget Secretary Kim Robert De Leon na pinondohan ang parke sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) “Green, Green, Green” program.

Ayon kay De Leon, patunay ang proyekto na may magagandang programa at proyekto na naisasakatuparan kapag tunay na nagtutulungan ang pambansa at lokal na pamahalaan.

“Ang ating park ay isang showcase, patunay na kapag ang national government at ang local government ay tunay na nagtutulungan, tayo po ay makagagawa ng mga meaningful programs and projects para sa ating mga kababayan,” ani De Leon.

Dagdag niya, patuloy na pinalalakas ni Pangulong Marcos ang LGSF ngayong taon sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang.” Binanggit din niyang kabilang ang Maynila sa mga unang lungsod na nagpatupad ng libreng programa sa bigas ng Pangulo.

Sinabi naman ni MMDA Chairperson Romando Artes na natapos ang parke sa loob ng anim na buwang palugit na ipinangako nila ni Domagoso sa mga residente noong groundbreaking noong Enero.

“Kung inyong matatandaan, ito po ay parang ginagawang parking lamang. Maalikabok, puro debris lang, batuhan. Ngayon po, maipagmamalaki natin na pasyalan, maliwanag, maganda,” ani Artes.

Ayon kay Artes, itinapat ng MMDA ang pondo nito sa inilaan ng DBM matapos humiling ng karagdagang suporta ang Maynila. Aniya, patunay ang proyekto na kayang magtulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan anuman ang kanilang kaakibat na partidong politikal.(BP)