Advertisers
Kung hindi agad magagawan ng paraan ang pasyenteng may ordinaryong sakit Maghihingalo”, ganito inilarawan ni House Committee on Senior Citizens at United Senior Citizens Partylist Representative Congresswoman Milagros Aquino-Magsaysay ang mataas na presyo ng mga gamot sa Pilipinas.
Sa kanyang privilege speech ngayong araw sa Plenaryo, pinalagan ni Rep. Magsaysay ang usad pagong na bagal ng proseso sa pag-apruba ng mga gamot para mapababa ang presyo ng mga ito sa merkado.
Ani ni Rep. Magsaysay “Isang disservice to the Filipino people na umaabot halos sampung taon ang proseso sa pag-apruuba ng gamot sa Health Technology Assessment Council (HTAC) at Food and Drug Administration (FDA). Ito kasi ang mga prosesong kailangang pagdaanan bago pa man maisama ang mga gamot sa Philippine National Formulary (PNF) para mapondohan ng Department of Health (DOH) at PhilHealth. “
Dagdag ni Rep. Magsaysay na hindi aniya katanggap-tanggap na ang mga gamot na hindi naaprubahan kaya mataas ang presyo at wala sa mga government subsidized medicines ay mga gamot para sa diabetes, chronic kidney disease, multiple myeloma na kadalasang tinatamaan ang mga senior citizens, iba’t ibang uri ng kanser at iba pang nakamamatay na sakit.
Pagdidiin pa niya “Kumpara sa mga bansang sa ASEAN region, sa Pilipinas, 85 percent ng medicine ang out-of-pocket expense o yung mga gamot na personal na binibili ng publiko. Dahil dito, milyong Pilipino ang hindi na nakakainom ng gamot na madalas nauuwi sa kanilang kamatayan.”
Ito rin aniya ang isa sa mga dahilan kung bakit walang gamot sa mga pampublikong ospital at sa iba pang programa ng gobyerno.
Kinuwestiyon rin ng kinatawan ng United Senior Citizens Partylist kung bakit hindi maaprubahan sa mga naturang ahensya ang mga gamot samantalang pasado na ang kalidad ng mga ito sa globally-accepted clinical practice guidelines at sa listahan ng World Health Organization (WHO).
Bagamat naniniwala si Rep. Magsaysay na dapat higpitan ang safety nets ng mga aplikante para sa mga bagong gamot, hindi aniya dapat maging pabigat ito sa dati nang mabigat na presyo ng gamot.
Dahil dito nanawagan ang mambabatas na gamitin ng Kongreso ang oversight function nito sa pamamagitan ng isang inquiry in aid of legislation kasabay ng paglalatag ng kanyang mga rekomendasyon para mapabuti ang proseso sa malalang backlog sa medicine at technology applications sa HTAC at FDA.
Kung hindi umano matutuldukan ang problemang ito sa lalong madaling panahon, hindi lamang ito magreresulta ng delay sa pag-access ng taumbayan sa mura at dekalidad na gamot ang problema kundi magdudulot ng matinding banta sa buhay mismo ng mga Pilipino.
Kaya naman sinabi rin ni Rep. Magsaysay na “Ang isyung ito ay hindi lamang isang health at medical necessity kundi isang moral responsibility.”
Sa huli, gamit ang mga pamosong linya ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, iginiit ni Rep. Maysaysay na “Those who have less in life should have more in law and in medicines.” (Cesar Barquilla)