Advertisers
Patuloy na umaalingawngaw ang mga alegasyon sa Bureau of Customs (BOC) hinggil daw sa paniningil ng malaking halaga kapalit ng pagpapalabas ng mga ilegal na shipment.
Kung may usok, nararapat lamang na alamin kung saan ito nagmumula—at kung may apoy nga bang dapat apulahin.
Sa mga impormasyong nakarating sa atin, iniuugnay ang dalawang indibidwal, na tinutukoy bilang “Direk CTN” at Agent “Dobol PP” sa sinasabing extortion kaugnay ng mga shipment ng sigarilyo at vape.
Ngunit mahalagang idiin na alegasyon pa lamang ang mga ito at hindi dapat ituring na napatunayang pagkakasala.
Naharang daw ang shipment ng sigarilyo sa Bulacan, habang ang vape ay nasabat sa Port of Manila.
Dahil dito, natural lamang na magtanong ang publiko kung ano ang tunay na nangyari bago, habang at pagkatapos ng pagkakaharang sa mga kargamento.
Mas mabigat ang alegasyon tungkol sa halagang sinasabing hinihingi raw kapalit ng pagpapalabas ng shipment.
Ayon sa ilang source, umabot daw sa P25 milyon ang perang ibinigay para sa sigarilyo, kabilang ang P15 milyon sa isang bag at P10 milyon sa isang malaking paper bag.
Kung totoo ang naturang alegasyon, hindi na ito simpleng usapin ng iregularidad.
Napakalaking halaga nito at isang alegasyong hindi maaaring basta ipagsawalang-bahala, lalo na kung may mga ebidensiyang maaaring magpatibay o magpabulaan dito.
Binanggit din ng ilang source na may mga litrato raw na nakuha kaugnay ng insidente.
Kung umiiral ang mga ito, dapat itong maayos na mapreserba, masuri at maikumpara sa iba pang ebidensiya upang matukoy kung may katotohanan ang mga paratang.
Dito pumapasok ang halaga ng isang mabilis, patas at transparent na imbestigasyon.
Hindi sapat ang bulungan, parinig o mga kuwento ng mga source.
Kailangan ng konkretong ebidensiya at pagkakataon para marinig at makasagot ang mga taong inaakusahan.
Mahalaga rin ang papel ng pamunuan ng BOC.
Sa harap ng ganitong seryosong akusasyon, inaasahan ng publiko na sisilipin nito ang anumang posibleng paglabag at hindi basta hahayaan na manatili sa antas ng usap-usapan ang isyu.
Kung walang basehan ang mga paratang, mas mabuti ring malinaw itong maipakita at maipaliwanag.
Sa kabilang banda naman, kung may matibay na ebidensiya, dapat walang sinumang sangkot ang maprotektahan—anumang posisyon o koneksiyon mayroon siya.
Mabuti ring naiulat na nakarating na raw sa Palasyo ang usapin.
Kung kinakailangan, maaari itong sumailalim sa kaukulang pagsusuri ng mga independenteng ahensiya gaya ng Office of the Ombudsman, alinsunod sa kanilang mandato at proseso.
Masasabing sa ganitong mga kontrobersiya, hindi dapat ang ingay ang maging batayan ng paghuhusga.
Hindi rin dapat gamitin ang katahimikan bilang awtomatikong patunay ng pagkakasangkot.
Ang tanging dapat manaig ay ebidensiya, due process at pananagutan.
At para sa mga nasa kapangyarihan, isang simpleng paalala: kapag may mabigat na alegasyon na paulit-ulit na lumilitaw, hindi sapat ang magkibit-balikat at hintaying mawala ang usok.
Mas mabuting sindihan ang ilaw ng imbestigasyon kaysa hayaan ang publiko na mag-isip kung bakit tila walang kumikilos.
Kung malinis ang lahat, walang dapat ikatakot sa malinaw at patas na imbestigasyon.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.