Advertisers

Advertisers

Caloocan nagbukas ng ‘Calm Space’: Libreng yakap sa Mental Health ng mamamayan

0 2

Advertisers

Inilunsad kamakailan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang Caloocan Calm Space, isang inisyatiba na naglalayong magbigay ng libre at madaling ma-access na mga aktibidad para sa pagpapahinga at mindfulness upang mapalaganap ang kamalayan sa mental health sa mga mamamayan ng lungsod.
Sa unang mga sesyon nito sa 5th Floor ng Caloocan City Hall – South, nag-alok ang Calm Space ng mga klase sa Yoga at mga aktibidad na Sound Healing. Sa mga susunod na sesyon, magkakaroon din ng in-house mental health coach na magbibigay ng agarang counseling at suporta sa kalusugang pangkaisipan.
Patuloy na binibigyang-diin ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na nananatiling lumalalang isyu ang mental health, lalo na sa mga kabataan at estudyanteng nakararanas ng anxiety, depresyon, at burnout. Ayon sa alkalde, bahagi ng kanilang mga programang pangkalusugan ang pagbibigay-priyoridad sa mental health, at patuloy na susuportahan ng kanyang administrasyon ang adbokasiyang ito.
“Sa pagbisita natin sa mga komunidad at sa mga eskwelahan, nakita po natin na malaking issue pa rin sa mga kabataan ang pagkakaroon ng mental health concerns kaya naman po naging bahagi ng mga programang pangkalusugan natin ang pagtitiyak na maayos ang kalagayang pangkaisipan ng lahat,” pahayag ni Mayor Along.
“Patuloy nating sisikapin na tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin ang kanilang kapakanan. Tandaan, kung kailangan mong magpahinga, nariyan ang Caloocan Calm Space upang tulungan kang maghilom at makabawi,” dagdag ni Malapitan.(BR)