Advertisers
Bumoto ang House of Representatives para i-impeach si Vice Presidente Sara Duterte matapos aprubahan ng 255 mambabatas ang ulat ng House Committee on Justice na nagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Sa ginanap na plenary session, inilatag ni Committee on Justice Chairperson Atty. Gerville Luistro ang mga artikulo ng impeachment. Aniya, ang botong ito ay hindi lamang tungkol sa numero kundi sa pagtalima sa Saligang Batas.
“Kapag may mabibigat na pagdududa tungkol sa paggamit ng pera ng bayan, tungkol sa katapatan ng SALN, tungkol sa asal at pananalita ng isang pinuno, hindi maaaring manahimik ang House of Representatives,” pahayag ni Luistro.
“Hindi tayo maaaring magbulag-bulagan. Hindi tayo maaaring matakot. Hindi tayo maaaring maging kasabwat ng katahimikan,” dagdag pa niya.
Nagkaroon ng mainit na debate bago ang botohan kung saan kinuwestiyon nina Rep. Paolo Henry Marcoleta, Rep. Robert Nazal, Rep. Isidro Ungab, at Rep. Leandro Leviste ang regularidad ng proseso.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Luistro na pinahihintulutan ng House rules ang komite na magsagawa ng pagdinig kahit recess at maglabas ng subpoena para sa mga ebidensya.
Sa huli, sa kabila ng babala mula sa partido ng Bise presidente na PDP-Laban at ilang religious groups na posibleng mawalan ng suporta sa 2028 elections ang mga boboto pabor sa impeachment, nanaig pa rin ang desisyon ng nakararami.
Ang apat na pangunahing reklamo ang nakapaloob sa articles of impeachment ay ang mga sumusunud:
Una, maanomalyang paggamit ng P612.5 million sa ilalim ng OVP at DepEd, kabilang ang mga pekeng resibo sa ilalim ng mga pangalang gaya nina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin.”
Ikalawa, Hindi tugmang yaman sa kanyang SALN. Mula P7.2 million noong 2007, lumobo ang net worth ni Duterte sa P88.5 million nitong 2024, habang ang record ng AMLC ay nagpapakita ng P6.77 billion na “suspicious transactions” sa bank account nila ng kanyang asawa.
Ikatlo, Allegasyong pamimigay ng mga sobre na may lamang pera sa mga opisyal ng DepEd noong siya pa ang kalihim nito.
Ikaapat, Ang kontrobersyal niyang pahayag noong Nobyembre 2024 kung saan binanggit niya ang pagkuha ng assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Inaasahang magtitipon ang Senado bilang isang Impeachment Court sa sandaling matanggap ang mga dokumento. Kailangan ng two-thirds vote o 18 senador para mapatalsik sa pwesto ang bise presidente.(Henry Padilla)