Advertisers
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na hacker at “big boss” ng isang kilalang operator ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pampanga, sa isinagawang operasyon sa isang resort sa La Union.
Ayon sa BI, isa umanong expert na hacker at kilalang big boss ang naturang dayuhan ng Lucky South 99 na siyang operator ng ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BI-FSU) chief Rendel Sy, ang grupo umano ng mga hacker na connected sa POGO sa Porac ang nag-hack ng mga bank accounts ng kanilang mga kliyente sa US, UK at sa Middle East.
Aniya, parte umano ng kanilang operasyon ang scam na POGO kaya’t kailangan na nandoon ang kanilang mga hacker dahil hindi umano sila makakapag-operate o pila yang kanilang operasyon kung wala itong mga hacker.
Ayon sa BI, nasa ilalim ng pagbabantay ng mga awtoridad ang mga POGO sa Pampanga, at maaaring nagsimula na silang ilipat ang kanilang mga operasyon sa ibang mga lugar sa hilaga.
Nabatid na wala pang pahayag mula sa naarestong suspek na kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng BI sa Taguig City.
Iniimbestigahan na din ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang umano’y hacker para makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa iba pang mga boss ng Lucky South 99.
Napag-alaman naman sa Chinese police na nahaharap sa kasong fraud ang suspek sa China.(Jocelyn Domenden)