Admin ni Mayor Honey, pinag-aaralan kung paano mapapahaba ang buhay ng mga residente ng Maynila
Advertisers
IBINUNYAG ni Mayor Honey Lacuna na pinag-aaralan ng kanyang administrasyon kung paano mapapahaba ang buhay ng mga residente ng lungsod habang tinitiyak na magiging maganda ang ‘dapithapon’ ng mga senior citizens ng Maynila na isang kalidad, masaya at malusog na pamumuhay.
Sa ikatlong State of the City Address (SOCA), sinabi ni Lacuna na isinasagawa na ang pag-aaral habang ang tuloy naman ang pag-aaruga sa kalusugan ng mga senior citizens ng kabisera ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng world-class medical services.
“Pinag-aaralan natin ang mga dapat nating gawin upang mapahaba ang ‘life expectancy’ ng ating taumbayan. Hindi lang mapahaba ang buhay ng Manileño, bagkus, mapahaba nang mayroong de-kalidad ang buhay ng ating mga senior citizens, na masaya at walang sakit,” ayon sa lady mayor.
Idinagdag pa ni Lacuna na : “Sa mga polisiya patungkol sa pagkain, ehersisyo, linis ng hangin at kapaligiran at iba pa, ‘yan po ang tunay na layunin ng planong pangkalusugan ng ‘Magnificent Manila.’ Sa kabila ng pangangailangan nating maghigpit ng sinturon, tinuloy, tinapos ang mga nasimulan, at naglunsad pa tayo ng mga programang higit na kinakailangan ng mas nakararaming Manilenyo.”
Bilang isang doctor, laging inuuna ni Lacuna ang overall good health kaya naman in- empowered niya ang city’s health cluster simula nang siya ay naging bise alkalde ng lungsod.
Ang health cluster na sinimulang patakbuhin ni Lacuna noong pandemya o bago pa siya maging alkalde ay kinabibilangan ng Manila Health Department at anim na pagamutan na pinatatakbo ng lokal na pamalaan ay nagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng residente ng Maynila.
Iniulat din ng alkalde na ang mga city-run Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital, kabilang na ang Manila Health Department ay pawang mga ISO-certified na.
“Ang ISO certification ay isang katiyakan ng mataas na kalidad ng ating serbisyong pangkalusugan at maayos na sistema ng ating mga ospital. Patunay ito na maging sa kalusugan, nagiging ganap na ang pagiging ‘World Class’ ng ating lungsod,” pahayag ng alkalde.
At upang masuportahan ito, sinabi ni Lacuna na ang mahigit na 40 health centers ng lungsod ay may kakayahan na ding magsagawa ng laboratory tests para sa blood, cholesterol, urinalysis at iba pa.
Sinabi pa ni Lacuna na ang bawat isang health center ay mayroong sariling iECG at ultrasound services para sa mga pregnant women para hindi na sila magpunta pa sa ospital at mga private laboratories at r clinics.
“Mayroon na rin tayong portable dental x-ray, mobile laboratory and x-ray van na umiikot sa buong Maynila. At ang lahat ng mga ito, ay libre. Sinigurado natin na maibigay din ang mga maintenance medicines tulad ng lozartan, metformin, amlodipine at iba pa, sa mga kababayan nating nangangailangan nito,” giit ni Lacuna.
Samantala ay inilunsad ng lungsod ang “Walang Batang Manileñong Bungi sa 2030,” kung saan ang mga kindergarten at Grade 1 pupils ay binigyan ng fluoride at sealant upang mananatiling malusog ang kanilang mga ngipin.
“Para naman sa ating mga pampublikong High School na mag-aaral, ay mayroon tayong “Alis Sungki Balik Ngiti Program,,” saad ni Lacuna at idinagdag din na mayroong mahigit na 100 high school students ang nabigyan na ng libreng dental braces at pustiso.
Ang “Responsable Ako: Huwag Maging Biba [Batang Ina, Batang Ama]” adolescent health program ay dinala rin sa iba’t-ibang high schools sa Maynila upang matugunan ang tumataas na bilang ng teenage pregnancies.
Ito naman ay kinu-complement ng “Ang Bata, Bata, Planado kang Ginawa Safe Motherhood Program” kung saan ang 36,000 bilang ng family planning acceptors ay tumaas sa 157,872 sa loob ng mahigit isang taon upang masolusyunan ang tumataas na bilang ng populasyon sa lungsod. (ANDI GARCIA)