Advertisers

Advertisers

BANK SECRECY LAW IBASURA

0 2,349

Advertisers

Sa kasaysayan ng bansa higit sa makabagong panahon, nariyan ang kaganapan na nagpababa sa mga pangulo hinggil sa pagmamalabis sa kapangyarihan at ginawang gatasan ang kaban bayan. Nariyan ang dalawang EDSA People Power na nakatali ang kaganapan sa pagkamal ng yaman ng mga lider sa maling paraan. Hindi maitatwa na nariyan ang dating lider na inilipat sa ibang bayan ang nakulimbat na nagpahirap sa mga humahabol na opisyal ng pamahalaan. Na hanggang sa kasalukuyan nariyan ang mga usapin hinggil sa mga tagong yaman na hindi matapos tapos o ‘di na matatapos dahil sa hayag na kaganapan. Samantala, ang isa’y nasipa sa pwesto dahil sa pagbubunyag ng opisyal ng banko na naglabas ng impormasyon hingil sa “Jose Pidal Bank Account”. At pawang kasaysayan na ang lahat.

Sa pagtuon sa kasaysayan, ibig ipabatid na may katagalan ang RA 1405 o ang batas ng “Bank Secrecy Law” o hinggil sa lihim na pagtatago ng pera o salapi sa bangko. Sa pagkabuo ng nasabing batas, ang layon nito’y hikayatin ang maraming Pinoy na mag-ipon at ilagak ang naipong pera sa mga bangko. Ang mapalakas ang negosyo ng pagbabangko sa panahon na binuo ang batas ng RA1405. At sa pagtakbo ng panahon, tila nagamit ang nasabing batas na iniikutan ng maraming biglang nagyamanang Pinoy higit ng mga politiko na ginawang sangkalan ang bangit na batas. Hindi matawaran ang galing ng mga politiko sa pagtatago ng salaping bayan na ‘di malaman kung paano nakamit. At nariyan ang naglipanang ang magagarang mga sasakyan, napag-aaral ang mga anak sa mga eksklusibong paaralan o sa ibang bansa at ‘di matawarang marangyang buhay na wala sa nakaraan.

Sa pagbubungkal ng ilang datos hinggil sa “Bank Secrecy Law” minsang binigyan pansin ang batas ng ilang mga mambabatas sa nakaraan, sa layon na labanan ang katiwalian sa bansa. Sa layon na labanan ang katiwalian, ilang mambabatas ang tumayo upang amyendahan ang RA1405 ngunit tila pakabila ang naging takbo at nagawang paikutin ang batas at naisama sa batas ang “investment bond” na ‘di maigalaw hanggang walang “court order” na ‘di bahagi ng orihinal na batas. Sa kagustuhang maayos ang takbo ng sistema sa pagbabangko sa bansa, higit na nagamit ang batas ng paglilihim ng bangko bilang sagka o proteksyon ng mga deposito na ‘di kagyat mabuksan ang “bank account” kung walang utos ang korte. Sa isang usapin sa senado, nariyan ang paliwanag na ang layon ng batas ay ang mabawasan ang korapsyon sa pamahalaan. Ngunit kahit may layong bangit, naipasa’t tuluyang naging batas ang ilang amyenda na nagpasikip sa pag-alam ng sikreto ng bangko. Tanong, paano hahabulin ang mga kurap sa pamahalaan?



Hindi na musmos ang takbo ng negosyo sa bansa at kayang sumabay sa bilis ng transaksyon sa ibang bansa. Malayo na ang itinakbo ng teknolohiya na dahilan kung bakit higit na mahirap habulin ang mga kawatan sa bansa higit ang nasa pamahalaan. Gamit ang karapatan sa patas na pagdinig sa mga hukuman, hindi kagyat na mabubuksan ang isang “Bank Account” hanggang ‘di napapatunayan na galing sa pangungulimbat ang nakalagak na pera. Sa panahong kasalukuyan, napakadali ang paglilipat ng salapi sa bangko, sa loob o labas ng bansa na siyang nagpapahirap sa paghahabol. Sa dami ng mahuhusay na teknolohiya, ang paglilipat sa ngalan o maging sa kabuuan ng bank account ay nasa dulo lang ng daliri. Hindi uusisain sa mga lehitimong salapi na nasa banko, ngunit ibang usapin ang perang galing o nakamit sa maling paraan.

Subukang silipin ang ilang kaganapan sa bansa sa kasalukuyan higit ang operasyon ng POGO. Hindi mawatas kung gaano kalaki ang halaga na pinag-uusapan hinggil sa pumapasok na halaga ng salapi na pinaglalaruan sa mga bangit na pasugalan. At minsang nabangit ng dating tagapagsalita ni Totoy Osla na ang POGO ang pinangagalingan ng panggastos ng nasabing lider sa mga galaw kontra kung saan. Hindi lang iyon, nabunyag na pag-aari ng tagapagsalita ni Totoy Osla ang malaking bahay sa isang lunsod sa norte na pinasok ng mga operatiba ng pamahalaan. Nabatid na marangya ang kabahayan, tanong saan galing ang kaperahan na ipinambili o pinapagawa? Ang silip na marangyang kabahayan, subalit o paano ang mga “cash item” na hindi mawari kung nahan at kung kaninong pangalan nakalagay. O’ baka nailagay sa mga “investment bond” na higit na mahirap alamin.

Lumalaon ang panahon, higit na dumarami ang mga kawatan sa pamahalaan na ‘di malaman kung saan galing ang tangang yaman. Hindi na iilan ang mayayaman o milyonaryo sa bansa higit ang mga halal na politiko at ang mga nakapwesto dahil sa lapit sa tagapagpaganap. Napansin ni Mang Juan tumaas at dumami ang nabaha sa kaMaynilaan, ngunit at kasabay nito ang pagdami ng mga politikong ubod gaganda ng sasakyan at kabahayan. Samantala, hindi mawari ni Mang Juan kung bakit hindi tumataas ang kabuhayan gayung pataas ng pataas ng budget ng pamahalaan para sa serbisyong inilalaan. Sa katunayan, sa loob ng dalawang taon, naglaan ang pamahalaan ng P255B laban para sa baha, ngunit patuloy na nakatunganga sa taas ng tubig habang basang basa ang lukbutan ng kung sinong nakinabang.

Sa paglayo ng kabuhayan ng mayayaman at ng maralita, napapanahon na ang serbisyong bayan ang unahin ng pamahalaan. Isantabi ang mga pansariling interes at kung ibig ng tunay na pag-unlad napapanahon na alisin ang “Bank Secrecy Law” upang mawalan ng pagtataguan ang maraming politiko na ginagamit ang batas para maitago ang mga nakulimbat sa pamahalaan. Ngayon na ang panahon ang tunay na pagseserbisyo, unahin ang bayan at ‘di ang sarili. At ito ang layon ni Jun Singhot, ang makaahon ang bansa sa kahirapan. Unahin ang nakakaraming Pinoy sa pag-ahon at hindi ang mga tauhan at kasapakat sa pangungulimbat. Ang pag-aalis ng “Bank Secrecy Law” ang simula. At kagyat na simulan na buksan ang mga “Bank Acounts” ng mga nasa pamahalaan, halal o mga tinalaga.

Jun Singhot, silipin at makipag-ugnayan sa mga banko na may malinis na layon na magbukas ng impormasyon higit sa mga taong gobyerno na ginawang sangkalan ang pwesto sa pagrangya ng buhay. Sa nais na paglilinis ng pamahalaan, simulan usisain ang kabuhayan ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno kung saan napunta ang trilyon – trilyong inutang sa nakaraan gayung kapos sa serbisyo si Mang Juan. Ibasura ang “Bank Secrecy Law” at simulan ang paghahabol at paghahain ng kaso sa sindikato ng nakaraan at sa kasalukuyan. Ang kagalingan sa panahon ng kalamidad, isagawa sa paghahabol sa mga kawatan ng bayan.



Maraming Salamat po!!!!