Advertisers
NOONG termino ni Rody Duterte sa Malakanyang namayagpag ang Chinese nationals, na isinasangkot ngayon sa illegal drugs. Pero missing na ang mga animal!
Mistulang hari noon sina Michael Yang, Charlie Tan, Peter Lim, Allan Lim, Johnson Chua at ilan pang Chinese na binanggit nina ex-Police Colonel Eduardo Acierto at retired Police Sgt. Arturo Lascanas.
Si Acierto ay dating opisyal ng PNP Drug Enforcement Group na pinatanggal sa serbisyo dahil umano sa pagbenta ng AK47 na baril sa NPA, at “pinapapatay” ni Duterte matapos niyang isiwalat ang pagkakasangkot sa illegal drugs nina Michael Yang, Allan Lim at Johnson Chua na isang drug lord.
Si Lascanas naman ay umaming pangunahing “hitman” ng Davao Death Squad (DDS) na naglilikida sa mga sumusuway kay Duterte. Isiniwalat niya ang pagkakasangkot ng dating pangulo sa illegal drugs. Tinawag pa niya itong “lord of drug lords”.
Kasalukuyang nagtatago si Lascanas. Pero katulad ni Acierto, handa raw itong lumutang kung ipatatawag ng kongreso o ng korte. Isa siya sa mga testigo ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte na nahaharap sa kasong ‘Crimes Against Humanity’.
Si Yang ay naging presidential adviser ni Duterte, habang si Peter Lim ay “kumpare” ng dating pangulo na nag-courtesy call pa noon sa huli sa Malakanyang.
Si Charlie Tan naman, na “kaibigan” ng mga anak na lalaki ni Duterte, ay sangkot sa P6.4 billion shabu na nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City noong Mayo 2017.
Ang mga Intsik na ito ay biglang naglaho nang matapos ang termino ni Duterte. Saan kaya ngayon nagtatago ang mga ito?
Isa sa kanila, si Michael Yang, ay pinaaaresto ng Kongreso dahil sa hindi nito pagsipot sa mga pagdinig hinggil sa nasamsam na P3.6 billion shabu sa isang warehouse (Empire 999) ng kasosyo nito sa negosyo sa Mexico, Pampanga last year (2023).
Dapat maaresto ang mga “drug lord” na ito at maikanta nila ang mga protektor nila sa pagpapasok ng mga iligal na droga sa Pilipinas. Tuldukan!
***
SINABI ng spokesman ni dating Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na “zero credibility” si Vice President Sara Duterte-Carpio sa pagtuligsa sa Marcos administration. Bakit?
Dahil lahat ng atake ni VP Sara laban kay PBBM ay bumabalik sa kanilang mga Duterte. Tulad ng pagtuligsa niya sa malawakang pagbaha noong kasagsagan ng bagyong Carina, kungsaan habang binabaha ang Pilipinas ay umalis ito pa-Germany para manood ng concert ni Taylor Swift.
Sinabi niyang hindi tama ang mga paggamit sa pondo ng gobyerno. Eh siya itong hindi maipaliwanag kung paano niya ginastos sa loob ng 11 days ang P125m intel fund pagka-upo niya sa puwesto noong 2022, at ang P640 a year niyang intel fund noong alkalde siya ng Davao City; ang kanyang utol na si Congressman Polong ay nagkaroon din ng P51 billion na pondo sa unang termino nito sa huling tatlong taon ng pagkapangulo ng kanilang ama. Lahat ng ito ay hindi nila maipaliwanag sa publiko.
Kaya tamang sabihin ni Atty. Barry na “zero credibility” si VP Sara.