Advertisers
UMAPELA si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang passport ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, at hilingin sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) na isailalim ito sa ‘red notice’ list.
Ginawa ni Estrada ang panawagan kasunod ng pahayag ng Bureau of Immigration (BI) na ilegal na lumabas ng bansa si Guo nitong nakalipas na buwan.
“Mukhang tama ang hinala ko na umalis si Guo using the backdoor. But still, we have to hold the BI responsible for this fiasco because the last time I checked, in the previous Senate hearing last July 29, the BI representative told the committee investigating Guo that she was still in the country,” pahayag ni Estrada.
Binanggit din ni Estrada na maraming legal cases si Guo tulad ng quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Manila Regional Trial Court (RTC), ang mosyon para kanselahin ang kanyang birth certificate sa Tarlac Regional Trial Court (RTC), at ang mga kasong human trafficking na inihain ng Department of Justice, bukod sa iba pa, ay sapat na dahilan upang makansela ang kanyang Philippine passport.
Batay sa ilalim ng Section 4 ng Republic Act No. 11983, “New Philippine Passport Act”, sinabi ni Estrada na maaaring kanselahin ng kalihim ng DFA o sinumang awtorisadong opisyal ng konsulado ang pasaporte ni Guo bunsod narin sa interes ng pambansang seguridad.
Sinabi rin ni Estrada na maaaring humingi ng INTERPOL’s intervention ang National Bureau of Investigation (NBI) upang ilagay si Guo sa red notice list.
“Gaya ng nauna ko nang sinabi, I don’t think that Guo chartered a plane in NAIA para makaalis ng bansa dahil unang-una, kilalang-kilala ang taong ito, mapera, masyadong na-expose sa TV. Malamang na nag-charter siya ng eroplano sa maliit na airport kung saan tahimik ang mga tao roon at walang taga-BI na susuri sa kanyang mga dokumento,” diin ni Estrada. (Mylene Alfonso)