Advertisers
IPINAG-UTOS ng korte sa Quezon City na ilipat sa Quezon City Jail si Pastor Apollo Quiboloy at ang apat na kapwa niya akusado mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ang kautusan, may petsang Setyembre 9, 2024, ay nilagdaan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 106 Presiding Judge Noel L. Parel.
Inatasan ng korte ang hepe ng Philippine National Police (PNP) Headquarters Support Service na “ilipat at i-commit” sina Quiboloy at Cresente Canada sa New Quezon City Jail sa Payatas Road.
Ang tatlong babaeng kapwa akusado ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes ay iniutos na ilipat sa Quezon City Jail – Female Dormitory sa Camp Karingal.
Sinabi ng korte na ang lima ay dapat ilipat “kaagad” kapag natanggap ang utos.
Ang mga warden ng dalawang Quezon City Jail facility, samantala, ay inutusan na iharap si Quiboloy at ang iba pa sa korte noong Biyernes ng umaga para sa kanilang arraignment at pre-trial “via videoconference hearing.”
Si Quiboloy at ang iba pa ay nasa kustodiya ng pulisya dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act gayundin sa ‘qualified human trafficking’.
Si Quiboloy, lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ay kinasuhan din ng federal grand jury sa US District Court para sa Central District of California para sa pagsasabwatan na makisali sa sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pamimilit at pakikipagtalik, trafficking ng mga bata; sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pamimilit; pagsasabwatan; at bulk cash smuggling.
Paulit-ulit na itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kanya.
Samantala, nakipagpulong ang PNP at ang Department of Justice (DOJ) upang talakayin ang nakatakdang pagbasa ng sakdal kay Quiboloy gayundin sa apat na kapwa akusado nito sa mga kasong Child at Sexual Abuse gayundin sa Qualified Human Trafficking.
Sa panayam kay Fajardo sa Kampo Krame, sinabi niya na nakatakdang basahan ng sakdal sina Quiboloy at apat na iba pa sa mga korte ng Pasig at Quezon City sa Biyernes, September 12.
Gayunman, tatalakayin sa pulong ng PNP at DOJ kung paano ang magiging iskedyul dahil sabay ang arraignment ng dalawang korte sa mga akusado.
Bagaman sinabi ng QC RTC na hindi nila inoobliga ang katawan ng mga akusado sa halip gagawin ito via video conferencing habang kailangang humarap ang mga ito sa Pasig RTC.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Fajardo ang hindi na pagharap nila Quiboloy sa mga naturang korte nitong Lunes para isauli ang Warrant of Arrest laban sa kanila.
Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na hindi inoobliga ng korte na humarap sa kanila ang isang akusado para isauli ang Warrant of Arrest at bahagi lamang ito ng normal na proseso.