Advertisers
NASA P197 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa dalawang magkahiwalay na raid sa Quezon City at Caloocan City.
Sinabi ni General Rommel Francisco Marbil, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang mga operasyon ay nakipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa gitna ng pagsisikap ng gobyerno na habulin ang smuggling na nakaaapekto sa ekonomiya.
Sinabi ni CIDG Director, Major Gen. Leo Francisco ,na ang unang operasyon ay isinagawa Setyembre 12 sa isang warehouse sa Balingasa Street, Balintawak, Quezon City kungsaan may kabuuang 1,729,248 pakete ng smuggled na sigarilyo, kabilang ang mga tatak tulad ng FarStar, Mighty Red, Marlboro, Camel at Milano.
Ang mga nasamsam, ayon kay Francisco, ay nasa P184.3 milyon ang halaga.
Bandang 11:00 ng gabi noong araw ding iyon, sumugod ang mga operatiba ng CIDG at mga tauhan ng BIR sa isang bodega sa Grace Park West sa Barangay 54, Caloocan City at nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga smuggled na Fortune, Camel, at Modern Green na tatak ng sigarilyo.
Tinatayang nasa P12.8 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo sa Caloocan City.
“Lahat ng mga nakumpiskang bagay ay natagpuan na walang kinakailangang mga selyo ng buwis ng BIR, na nagpapatunay sa kanilang katayuan sa smuggled,” sabi ni Francisco.
Dinala ang mga nakumpiskang yosi sa BIR main office para sa safekeeping, habang ang mga naaresto ay nasa kustodiya ng CIDG para sa maayos na pagproseso at imbestigasyon, ayon kay Francisco. (Almar Danguila, Ernie dela Cruz)