BI, nagbabala sa catphishing syndicate
Advertisers
NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko ukol sa catphishing syndicates na nagre-recruit ng mga Filipino na magtrabaho ng iligal sa ibang bansa.
Ang babala ay ipinalabas ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado matapos maharang ang tatlong biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong September 21.
Ayon sa ulat kay Viado ni Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI sa ilalim ni Bienvenido Castillo III, idinetalye kung paano ang 28-anyos na lalaking biktima na kasama ang dalawang babae na may edad na 24 at 27 ay hinarang bago sumakay ng Air Asia flight patungong Thailand.
Diumano, ang tatlo ay nagpanggap bilang mga turista na bibisita sa Thailand para sa isang holiday. Ang lalaki at babaeng biktima ay nagpanggap na mag-asawa habang ang isa pang babae naman ay nagpakilalang kasamahan sa trabaho.
Sa iginagawang inspeksyon ay napuna ng opisyal ang mga pagkakaiba sa kanilang mga dokumento, kaya sila ay isinailalim sa secondary inspection.
Nang isailalim sa beripikasyon, lumitaw na ang mga biktima ay nagbigay ng pekeng return flight ticket na nagpapatunay na wala silang planong bumalik pa ng bansa.
Inamin ng mga biktima kalaunan na ang mga dokumento na kanilang ipinakita ay ibinigay lamang sa kanila ng kanilang recruiter, na nag-utos din sa kanila na umakto bilang traveling companions. Ibinahagi pa nila na sila ay na-recruit via Facebook messenger para magtrabaho sa Cambodia bilang customer service representatives at may sahod na mahigit na P50,000.
Naniniwala ang mga awtoridad na ang tatlo ay na-recruit para magtrabaho sa isang catphishing syndicate na nagkukunwari bilang lehitimong call center sa Cambodia.
Nagbabala ang BI tungkol sa sindikato na nagre-recruit ng mga Filipino at pwersahang isinasama sa mga illegal activity.
Diumano, ineengganyo at sapilitang pinagtatrabaho ng sindikato ang mga biktimang Pinoy bilang scammers para manloko ng mga Western victims sa pamamagitan ng dating sites upang mamuhunan sa pekeng cryptocurrency accounts.
Ayon kay Viado, nakakalungkot na marami pa rin ang nabibiktima ng ganitong uri ng scam na pinangangakuan ng mataas na sahod at nakakaakit na mga insentibo.
Dinala ang tatlong biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim pang imbestigasyon at upang masampahan ng kaso ang kanilang recruiter. (JERRY S. TAN)