Advertisers
NAGPAABOT ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mambabatas sa kanilang dedikasyon sa pagtiyak ng napapanahong pagpasa ng Value-Added Tax on Digital Services Law.
Sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng Republic Act (RA) No. 12023 sa Malakanyang, ipinaliwanag ni PBBM na hindi lamang ito tungkol sa pagpirma ng bagong batas ang araw na ito, kundi isa rin itong simula ng mas makatarungang landas patungo sa hinaharap.
Hinikayat ng Pangulo ang mga nasa hanay ng digital space na tumulong sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas na dito aniya’y namamayani ang innovation, lalo na sa pagsusulong ng kompetisyon.
Nanawagan din ang Chief Executive ng suporta hindi lamang sa mga lokal na negosyo, kundi maging sa mga mamamayan, mga kompanya at negosyante na saklaw ng RA 12023.
Sa ilalim ng bagong batas, papatawan na ngayon ng buwis ang mga nag-aalok ng digital services tulad ng digital media, digital music, digital video, video on demand at digital advertising, kabilang ang Netflix, Google, Market Place at iba pa.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi ito pagpapataw ng panibagong buwis kundi pinapalakas lang ang awtoridad at pinapadali ang proseso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para mangolekta ng VAT sa mga digital services.
Kumpiyansa ito na makakakolekta ang bansa ng P105 bilyon sa susunod na limang taon na magagamit para makapagpatayo ng 42,000 classrooms, mahigit 6,000 Rural Health Units (RHUs) at hanggang 7,000 km na farm-to-market roads.
Subalit ipinunto naman ng Punong Ehekutibo na hindi kasama sa bubuwisan ang mga educational at public interest services tulad ng online courses, webinars at iba pang digital educational offerings.
Kasabay nito, hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na mag-isyu ng mga kinakailangang alituntunin at isakatuparan ang mga kailangang hakbang upang maipatupad ito sa loob ng itinakdang panahon ng bagong batas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)