Advertisers
Isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health, ang pagpapalawak ng medikal na benepisyo para sa mga bagong silang na sanggol.
Inihayag ito ni Go sa kanyang pagdalo bilang panauhing pandangal sa 22nd National Newborn Screening (NBS) Convention sa Maynila noong Lunes.
Bilang chair ng Senate committee on health, sinabi ni Go na adbokasiya niya na tiyakin ang pag-upgrade ng mga programa at serbisyo para sa kalusugan. Ikinagalak ng senador ang pagsasama-sama ng mga eksperto, practitioner, at tagapagtaguyod ng pagpapahusay ng kalidad ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Nanawagan ang senador sa Philippine Health Insurance Corporation na isama sa coverage nito ang paggamot sa 29 metabolic at congenital disorders na maaaring matagpuan sa mga bagong silang na sanggol. Sa kasalukuyan, saklaw lamang ng Philhealth ang proseso ng screening.
Bukod sa panauhing pandangal, si Go ay tagapagsalita rin sa NBS Convention, isang taunang event upang ang mga propesyonal sa kalusugan ay maging laging updated sa mga development ng programa sa pampublikong kalusugan. Sa okasyon ay nagbigay ang mga lekturer ng karagdagang impormasyon sa pinalawak na newborn screening (ENBS) at mga nauugnay na paksa sa pagpapabuti ng pagpapatupad ng programa.
Pinangunahan ang convention ng isang non-profit organization, ang Newborn Screening Society of the Philippines, Inc. (NSSPI) na binubuo ng iba’t ibang health professionals na nakatuon sa pagsusulong ng newborn screening sa Pilipinas.
Sa ginanap na event sa Manila Hotel, may kabuuang 1,100 medical professionals tulad ng midwives, nurses, doctors, dietician, medical technologists, at chemists mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dumalo.
Matagal nang itinataguyod ni Go ang pagpapabuti ng healthcare system sa bansa, bukod sa isinusulong din niya ang iba pang panukalang batas ukol sa kalusugan ng publiko.
Sa pamumuno ni Go, ang Senate committee on health ay nauna nang nag-akda at nag-sponsor ng Republic Act No. 11712, na nag-uutos na bigyan ng karagdagang health emergency allowance ang mga pampubliko at pribadong healthcare worker (HCW) sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang public health emergncy
Binanggit pa ng senador na sinuportahan niya ang pagpasa ng RA 11509, o ang “Doktor Para sa Bayan Act” na nagtatatag ng Medical Scholarship and Return Service Program para sa mga kwalipikadong Pilipinong mag-aaral ng medisina sa State Universities and Colleges o sa Private Higher Education Institutions sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong medikal. Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala noong 2021.
Binanggit pa ni Go na isa rin sa kanyang legislative effort ang paghahain ng Senate Bill No. 2503 na nagmumungkahi ng mga susog upang i-update at gawing moderno ang umiiral na “Philippine Medical Technology Act” na naipasa noong 1969.