Advertisers
EMOSYONAL na ibinunyag ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa House Quad Committee na si dating PNP Chief ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang nag-pressure sa kaniya nuong 2016 para idiin sa illegal drugs si dating Senador Leila De Lima at ang negosyanteng si Peter Lim.
Ginawa ni Kerwin ang rebelasyon sa kaniyang testimonya sa Quad Comm. Kaniyang ikinuwento ang pinagdaanan ng kanilang pamilya bilang biktima rin ng extra judicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Ibinunyag ni Espinosa na binantaan siya ni Dela Rosa na kapag hindi siya sumunod ay mangyayari din sa kaniya ang nangyari sa kaniyang ama o kung hindi sa isa sa kaniyang pamilya.
Maging ang aktor na si Leyte Representative Richard Gomez ay nais din idiin sa iligal na droga, subalit hindi niya ito ginawa sa kabila ng pressure.
Napatay nuong 2016 ang ama ni Kerwin na noo’y mayor ng Albuera, Leyte na si Rolando na sangkot din umano sa illegal drug trade.
Aniya, sa kaniyang pagbabalik sa bansa matapos mahuli sa Abu Dhabi, sinalubong siya ni Dela Rosa at inakbayan papunta sa sasakyan, at noong nasa loob na sila ng sasakyan inutusan siya nito na aminin na sangkot siya sa illegal drug trade sa bansa at idiin nito sina De Lima at Lim.
Pitong taon nakulong si De Lima at naabswelto sa lahat ng akusasyon laban sa kaniya.
Tinukoy naman ng dating Pangulo Rodrigo Duterte si Peter Lim bilang biggest drug dealers sa bansa.
Inihayag ni Espinosa na matagal na nilang hinihintay ang hustisya para sa kaniyang ama na biktima ng extra judicial killing (EJK).
Si Kerwin ay kandidato ngayong maayor sa Albuera.