Advertisers
DEAD on the spot ang isang babaeng barangay kagawad nang saksakin ng adik na anak sa loob ng kanilang bahay sa Kidapawan City.
Agad namang nadakip ng Kidapawan Police Office si Emiliano Lagutin Cinco, 49, binata ng Purok 2, Brgy Gayola.
Nagtamo ng mga saksak sa leeg ang biktimang si Mila Lagutin Cinco, 69-anyos na naninirahan din sa nasabing lugar.
Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, agad namang naaresto ng mga barangay officials at mga pulis na nagresponde sa insidente ang suspect na si Emillano Lagutin Cinco, kakasuhan ng pagpatay sa kanyang ina, ang 69-anyos na si Barangay Gayola Councilor Mila Lagutin Cinco.
Sa pahayag ng mga kapitbahay, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo si Cinco at kanyang ina bago niya ito pinalo ng kahoy sa ulo at, ng mawalan ng malay, ay paulit-ulit na sinaksak ng mahabang kutsilyo habang nakahandusay sa isang sulok ng kanilang bakuran sa Purok 2 sa Barangay Gayola.
Ayon kay Gulmatico, tumakas at nagtago sa isang rubber plantation si Cinco matapos mapatay ang ina, ngunit agad naman siyang natunton at naaresto ng grupo ni Gayola Barangay Chairman Dominador Jabay at mga pulis. Nagtangka pang manlaban si Cinco ngunit agad naman siyang naigupo ng mga tanod at mga pulis at agad ding naisugod sa pagamutan upang ipagamot ang mga sugat sa katawan na tinamo sanhi ng pakikipagbuno sa mga ito.
Kilala sa kanilang barangay si Cinco na adik sa shabu at nakakalasing na inumin.