NANINIWALA si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na ang mga naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay maaaring magamit kaugnay sa war on drugs sa panahon ng kanyang administrasyon.
Sa kabila na hindi na bago ang kanyang mga sinabi laban sa droga, binigyang-diin ni Escudero na mahihirapan si Duterte na bawiin ang kanyang mga sinabi sa pagdinig dahil ang lahat ng kanyang mga sinabi sa Senado nitong Lunes ay pinanumpaan o “under oath.”
“Ang pinagkaiba kahapon, lahat ng binitiwan niyang salita kahapon ay under oath. Pinanumpahan at sinabi niya na ‘yan ay totoo abot sa kanyang nalalaman na pwedeng magamit kung saka-sakali pabor o laban sa kanya,” punto ni Escudero.
Aniya, ang mga pahayag ni Duterte ay naka-record at ang mga transcript ng pagdinig ay ilalabas ng Senado upang maging gabay para sa sinumang interesadong partido at para mapag-aralan ng publiko.
Sinabi ni Escudero na hindi na maaaring ituring ni Duterte ang kanyang mga sinabi ngayon bilang simpleng biro dahil siya ay nagpatotoo sa ilalim ng kanyang personal na panunumpa sa komite ng Senado.
“I think he is proud of the things he did and said. Hindi niya ikinakahiya ang kaniyang ginawa at sinabi. Maliwanag ‘yun sa kanyang statement kahapon. Ang sinabi niya kahapon ay ‘I am willing to take full responsibility, me, just me.’ Paano mo i-ooperationalize ‘yun na ako lang? So siguro paraan ito ni Pangulong Duterte para i-operationalize ‘yun. Kaya siguro matapang niyang hinaharap, sinasagot at inaamin ang mga bagay na ‘yan,” hirit nig pangulo ng Senado.
Dagdag pa ng Senate Chief na nasa mga interesadong partido na ang magdesisyon kung ano ang balak nilang gawin sa testimonya ni Duterte, partikular ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war. (Mylene Alfonso)