MARIING kinondena ni Cabanatuan City Mayor Myca Vergara ang petisyong isinampa ng kanyang challenger na si Vice Governor Anthony Umali na naglalayong ideklara siyang nuisance candidate.
Ani Vergara, ang hakbang ni Umali ay wala umanong batayan at layunin lamang na iligaw ang publiko at pigilan ang kanyang kandidatura.
“Paano ako magiging nuisance candidate, gayong ako ang kasalukuyang nanunungkulang mayor ng Cabanatuan?” diin ni Vergara.
Tinawag niyang “frivolous suit” o walang kabuluhang reklamo ang isinampa ni Umali sa Commission on Elections (Comelec) na ang tanging intensyon ay manipulahin at baluktutin ang election process.
Nagsampa sa Comelec ng reklamo si Umali matapos i-refile ni Vergara ang kanyang Certificate of Candidacy (COC) noong Oktubre 8 ilang minuto matapos i-withdraw ang unang COC para itama ang ilang maling entries. Giit ni Vergara, ang mabilis na re-filing ay patunay lamang ng kanyang hangaring tumakbo at magsilbi. Sinamahan din niya ng parehong Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) mula sa kanyang partido upang tiyakin ang kanyang opisyal na nominasyon.
Dagdag ni Vergara, ang tunay na “nuisance candidates” ay ang mga miyembro ng pamilya Umali, na may anim na kandidato sa iba’t ibang posisyon sa Nueva Ecija. Diin niya, ang labanan ng mag-amang
Umali bilang gobernador at mother vs daughter bilang kongresista ay patunay ng layuning mapanatili ng pamiya Umali ang kontrol sa lalawigan ng Nueva Ecija.