HINIMOK nina Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante at Laguna Rep. Dan Fernandez ang Department of Justice (DoJ) na gamitin ang mga impormasyong nakuha ng Quad Comm sa paghahain ng kaso laban sa mga sangkot sa EJK noong nakaraang administrasyon.
Ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, bagama’t hindi maaaring maghabla ang Quad Comm maaari namang aksyunan ng DOJ ang kanilang mga natuklasan sa pagdinig.
Ayon kay Abante, ang mga extrajudicial killings ay lubhang nakaapekto sa buhay ng napakaraming sibilyan. Tinatayang 12,000 hanggang 30,000 ang nasawi sa Duterte drug war batay sa datos ng International Criminal Court.
Ipinunto ni Fernandez ang konsepto ng command responsibility na nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 9851.
Ang pag-ako ng responsibilidad at pag-amin umano ni Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ay maituturing na command responsibility.
Sabi pa niya na bilang Commander-in-Chief may pananagutan si Duterte sa ibinigay nitong utos na nauwi sa EJK.
Giit ni Abante na tanging hangad ng komite ay makamit ang hustisya.
Nanindigan si Abante na siya ay tutol din sa iligal na droga ngunit kuwestyunable umano ang pamamaraan na ginamit ng nakaraang administrasyon na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong katao kasama na ang mga menor de edad.
Ani Abante, mayorya ng mga nasawi ay mga gumagamit at nagtutulak ng droga na pawang mula sa mga mahihirap na komunidad habang iilan lang high-profile drug lords na nahuli o napatay.
Tinuligsa rin ni Abante ang depensa ni Sen. Bato dela Rosa na “shit happens,” at kinuwestyon ang mga pananalita at pagtingin ng senador sa pagkawala ng buhay.
Sinusugan naman ni Fernandez ang panawagan ni Abante.
Aniya napadali ang aksyon ng ehekutibo dahil sa imbestigasyon ng Quad Comm lalo na pagdating sa presertasyon ng mga asset na may kaugnayan sa operasyon ng droga.
Tugon naman ni Fernandez sa pag amin ni Duterte na mayroon ngang “death squad” at idinawit pa ang mga retiradong heneral, “Alam natin na Presidente mahilig siyang mag-joke, sometimes hindi na natin alam ‘yung katotohanan.”
Kailangan din aniyang seryosohin ang mga pahayag ni Duterte lalo siya ang pinakamataas na lider ng bansa.
Sabi ni Fernandez, dapat gamitin ng DOJ ang RA 9851 upang mapanagot ang mga lumabag sa crimes against humanity at extrajudicial killings.
***
Samantala patuloy ang pangangalampag ng mga kongresista sa Department of Justice (DOJ) para umaksyon ng mabilis upang mapanagot si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga sangkot sa madulong war on drugs.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kailangang masampahan na ng kaso sa lalong madaling panahon si dating Pangulong Duterte at mga kasabwat nitong opisyal para mabigyan ng katarungan ang mga kaawa-awang biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng drug war.
Bunsod nito ay hinihiling ni Cagayan de Oro City Representative Lordan Suan sa DOJ gayundin sa Office of the Ombudsman na agad ikasa ang imbestigasyon para maibalik din ang tiwala ng taumbayan sa ating justice system.
Punto naman ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre, inamin na ni FPRRD ang responsibilidad sa pagkamatay ng libu-libong katao sa ilalim ng war on drugs kaya dapat tiyakin na ito ay makukulong.
Para kay House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Representative Jay Khonghun, ang pag-amin ni Duterte ay pagkakataon para pagtibayin natin ang mahigpit na pagpapatupad at pananagutan sa batas.
Diin naman ni House Assistant Majority Leader Mika Suansing na kinatawan ng Nueva Ecija, napakahalaga ng papel ng mga institusyon sa ating gobyerno, para itaguyod ang katarungan tulad sa mga naging biktima ng EJK sa ilalim ng drug war.
Subaybayan natin..
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email [email protected]/[email protected].