Advertisers
TUMANGGAP ng pinakamataas na parangal ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City, Bulacan mula sa Department of Interior and Local Government kasunod ng maayos na pamamalakad ni Mayor Arthur Robes na direktang nagbenepisyo ang mga mamamayan sa buong lungsod.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kasiyahan si Mayor Robes sa iginawad ng DILG na ‘Seal of Good Local Governance’ (SGLG) 2024, ang pinakamataas na parangal para sa isang lokal na pamahalaan.
Ang SGLG award ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan, kasanayan at pagiging masinop sa maraming aspeto ng pamumuno.
Mula sa pagiging kabilang sa isa sa pinakamahirap na bayan noon, ang SJDM ay ikinukunsidera ngayon bilang highly urbanized city sa lalawigan matapos ang pagsusulong nila Mayor Robes, katuwang si Lone District Congresswoman Rida Robes, ng mga programang nagpaunlad sa lungsod.
September 10, 2000 nang maging component city ang SJDM sa ilalim ng Republic Act 8797, at December 4, 2020, sa bisa ng Proclamation 1057 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naging highly urbanized city na ang lungsod.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Robes ang mga mamamayan ng lungsod na siyang naging katuwang ng pamahalaang lokal para maisukatuparan ang lahat ng programang mag-aangat sa estado ng kalunsuran.
Sa tulong din ng mga proyekto at programa ni Congresswoman Robes ay naging mas madali para sa lokal na pamahalaan na mapagtagumpayan ang misyon nito na mahango sa kahirapan ang lungsod na dating dalahan ng mga nadedemolis na informal settlers mula sa Metro Manila.
Ang SDJM na may mahigit 700,000 populasyon ay naging sentro na ngayon ng komersiyo at kalakalan dahil sa mga business-friendly policy na ipinatupad ni Mayor Robes.