Advertisers
IPINAHAYAG ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano na napatunayan ngayon na tama ang hakbang ng Kongreso na tapyasan ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 at ilipat sa ibang mga ahensya na nagpapatupad ng mga programang meron ito tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ito ni Valeriano kasunod ng pinakabagong audit report na inilabas ng Commission on Audit, kungsaan napuna ang mga problema at kawalan ng accomplishment reports ng OVP sa iba’t ibang aid programs.
Pangunahing binanggit ni Valeriano ang mga programang “OVP PagbaBAGo”, na nagbibigay ng school bags at dental kits sa mga student; “MagNegosyo Ta Day”, na P150 million ang budget pero P600,000 lang ang nagastos; at ang sablay umanong “OVP Food Truck” program.
Kaya tanong ni Valeriano: “Paano ngayon magpo-produce ng listahan ang OVP ng mga nakinabang sa mga programang napuna ng COA?”.
Sabi pa ng kongresista, hindi malayong maulit ang “Mary Grace Piattos” o ang pagsusumite ng OVP ng mga dokumento na nagsasaad ng mga imbentong pangalan ng mga nakinabang sa programa nito.