Advertisers
Mariing kinondena ni dating Senador Kiko Pangilinan ang ginagawang gaslighting ng China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), sa pagsasabing ang Beijing ang tahasang lumalabag sa soberanya at maritime rights ng bansa.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag matapos akusahan ng tagapagsalita ng China Defense Ministry na si Wu Qian ang Pilipinas ng pagsisimula ng gulo sa lugar.
Ang gaslighting ay tumutukoy sa paraan ng pagmamanipula para pagdudahin ang isang tao sa kanyang realidad, persepsyon, o katinuan.
“Aba, China, tigilan niyo nga ang pangga-gaslight sa Pilipinas kaugnay ng isyung ito,” ani Pangilinan, na binigyang-diin na kilala ang China sa panggigipit sa mga barko ng pamahalaan at mga mangingisdang Pilipino sa katubigang saklaw ng ating teritoryo.
“Anong kahibangan ito? Kung sino pa ang nang-water cannon, nang-harass at nambunggo sa mga barko ng ating Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sila pa ang may ganang magsabi na tayo ang nagsimula ng gulo,” dagdag pa niya.
Tinutukoy ni Pangilinan ang pinakahuling insidente kung saan ginamitan ng Chinese Coast Guard (CCG) ng water cannons at sinadyang banggain ang isang patrol vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc.
Sa hiwalay na insidente, nakaranas naman ang mga barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua at BRP Cabra ng “dangerous maneuvers” mula sa People’s Liberation Army Navy.
Muling nanawagan ang dating senador sa pamahalaan na magsampa ng diplomatic protest laban sa China dahil sa patuloy nitong pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino at mga barko ng pamahalaan.
“Huwag nating tigilan ang pagsasampa ng diplomatic protest laban sa China upang maipaalam sa buong mundo ang ginagawa nilang panggigipit at pang-aagaw sa ating teritoryo,” wika pa niya.