Advertisers
UULITIN ng pitak na ito, nang manalo si Yorme Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong 2019 midterm elections ay agad-agad na nilinis ang maruruming kalsada sa Maynila at ang mga dating amoy-ebak, marumi at magulong commercial district sa lungsod ay nilinis at inayos.
Ang paligid ng Liwasang Bonifacio — na kinaroroonan ng “Supremo” ng Katipunan na dati ay sangkaterba ang dumi at nagkalat ang ebak ng kung ano ay pinagtiyagaan niyang linisin.
Lahat nang nilinis at inayos ni Yorme Isko ay naging mabaho at dugyot muli kaya ang social media ay namumulaklak sa panawagangl “ISKOmeback” at hastags na tulad nito: #YormeBumalikKaNa and #ISKOmingBack, at nasasabik sila na bumangon muli ang Maynila at linisin muli ang mga nagkalat na dumi, amoy-ebak na paligid ng Liwasang Bonifacio na hindi yata naaamoy ng mga konsehal ng siyudad, pinabayaan ng kasalukuyang dugyot na pamamahala sa cityhall.
Umigpaw sa rurok ng katanyagan ang Maynila sa panahon ni Yorme Moreno — natatandaan nyo, umani ng matitingkad na karangalan ang lungsod gawa ng maayos at matinong gobyerno ni Isko.
Narito ang ilan pang karangalan na natamo ng lungsod dahil sa husay ni Yorme: Noong 2021, dahil sa maayos na paglilinis at pagpapabuti ng anyo ng tubig sa mga estero at daluyang tubig, nanguna ang Maynila, kaya tumanggap ito ng Most Improved Estero in NCR.
E, kumusta ang estero at daan-tubig, imburnal sa Maynila ngayon: aba’y konting ihi ng daga, baha na at daming nagkakasakit ng leptsopirosis.
Eto pa, kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Maynila na “The Most Improved LGU dahil sa pakikilahok sa Manila Bay rehabilitation program.
***
Alam nyo ba, ayon sa Time Out Global Magazine (2022), inilista ang Maynila na 34th Best City in the World, at sabi ng Bloomberg Philanthropies, nakuha ng Maynila ang isa sa Top 3 Richest Cities sa bansa, na mayroon noon na ?76.5 billion assets.
At bunga nito, pinili ang siyudad sa pamamahala ni Yorme Isko na 2021 Most Business-Friendly Local Government Unit.
E, kumusta ang Maynila ngayong 2024, may ganito pang karangalang natamo, nada, zero yata.
Dagdagan pa natin, sa loob lamang ng two years, ito ang na-accomplish sa Maynila sa panahon ni Yorme Isko.
Naitayo ang Muslim cemetery; kinumpuni ang mga ospital at paaralang publiko; pinakikinabangan ang Tondominium 1 & 2 at Binondominium at marami pang naitayong infra projects.
Maayos pa ba ang mga parke, pasyalan na pinaganda noon o, napabayaan na?
Yung dating basurahan sa Baseco, ngayon ay Baseco Baywalk; malinis pa ba ang mga sidewalks sa mga illegal vendors?
Ang daming nalikhang trabaho, oportunidad sa hanapbuhay sa pakikipagpartner sa mga private companies, e.g. FoodPanda forLGTBQ+.
Suportang pinansiyal at mga libreng gadgets sa mga mag-aaral ng public schools para sa online learning.
At tuloy pa ba ang Food for Security Program na mahigit sa 700,000 mahihirap na pamilya ng Maynila ang nakikinabang?
At nadagdagan na ba ang social pension ng mga seniors, PWDs, solo parents, at hanggang ngayon, tampok na pinag-uusapan at naaalaala ang matagumpay na pandemic response na ginawa ni Yorme Isko.
Opo, panahon nang muling ibalik ang pamamahalang puno ng tiwala at pag-asa, at ng pagbangon ng ekonomya ng Maynila.
Hindi ito nasasaksihan, hindi ito natitikman ngayon sa nakaraang mga taon na wala si Yorme Isko sa Maynila.
Kaya ang panawagan, ang patuloy na lakas ng sigaw at mga daing na muli, maibalik ang matinong pamamahala sa Maynila na puno ng pagmamahal at kalinga.
Para sa Manilenyo, magaganap uli ang tinatawag na “Golden Years” ng Maynila sa pagbabalik ni Yorme Isko sa City Hall.
Wag mainip, malapit na, babalik na si Yorme!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.