Advertisers
KULONG ang isang pulis nang mamaril at makapatay ng pasahero sa loob ng bus, at nakasugat ng dalawang kasama sa serbisyo na rumesponde sa insidente sa Davao del Sur, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Reynaldo Bigno Jr., security guard ng Sitio Flortam, Brgy. Batasan, Makilala, North Cotabato; habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang sugatan NA sina Cpl Kenth Maurith Pamaos; at Patrolman Russel Love Tapia na kapwa nakatala sa 1104th Regional Mobile Force Batallion-Davao.
Nadakip naman ang salarin na si Cpl Alfred Dawatan Sabas, nakatalaga sa Police Station 7, General Santos CPO, PRO 12.
Kinumpirma ng mga provincial police office sa Cotabato at Davao del Sur na nakapiit na si Cpl. Sabas sa General Santos City, matapos naaresto ng mga kapwa pulis na nagresponde sa insidente.
Ayon kay Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, naganap ang madugong insidente sa boundary ng Barangay Batasan sa Makilala at sa Barangay New Opon, Magsaysay, Davao del Sur.
Ayon sa ulat, sakay ng isang bus ang noon ay lasing na si Sabas, kasama ang kanyang live-in partner na si Phoenix Marie Delos Santos, na una niyang nakasagutan bago niya inilabas ang kanyang 9 millimeter pistol at namaril ng mga kapwa pasahero, na nagsanhi ng agarang pagkamatay ni Bigno nang masapol ng bala sa loob ng bus.
Binaril at nasugatan din ni Sabas ang dalawang kasapi ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-11 na sina Cpl. Pamaos at Patrolman Tapia na nagresponde sa insidente mula sa kanilang hindi kalayuang checkpoint.
Sa follow-up operation ng mga otoridad, 5:00 ng umaga nang madakip ng mga elemento ng 1104th MC, RMFB 11ang salarin sa Brgy. Kinuskusan, Magsaysay, Davao del Sur.
Ayon kanyang mga kamag-anak sa Kidapawan City, at mga kasamahan sa General Santos City Police Office, matagal na silang duda na lulong sa droga si Sabas, na madalas na lasing at napapaaway kapag lango na sa alak.
Ang kanyang kinakasamang si Delos Santos, kilala umanong shabu dealer, ay naaresto sa entrapment operation sa Kidapawan City noong Pebrero 2024 at nakulong pero nakalaya sa pamamagitan ng isang probation program ng pamahalaan.
Nasa kustodiya ng otoridad ang salarin, at sasampahan ng kasong murder at frustrated murder.(Mark Obleada)