Advertisers
PARA sa mga kandidato:
Pinahihintulutan ng Commission on Elections (Comelec) ang billboard ninyo para sa darating na midterm elections kung susunod kayo mga patakaran.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, dapat nakalagay sa mga private property ang inyong billboard dahil bawal ito sa public property.
Ulitin ko: Bawal ang billboard sa public property. Maliwanag yan!
Sa mga national candidate, dapat isang kilometro ang layo ng bawat billboard, habang 500 metro para sa billboard ng mga lokal na kandidato.
Sabi pa ng Comelec, ang duration ng billboard ng national candidates ay hanggang dalawang buwan, habang ang sa local candidates ay isang buwan lamang.
Tandaan ito: May mahigpit na obligasyon ang billboard companies na isumite ang mga kontrata at resibo sa Comelec.
Sa kabilang banda, sinabi ng Korte Suprema na hindi pa maituturing na election offense ang maagang pangangampanya ng mga kandidato dahil magiging kandidato lamang sila simula sa unang araw ng campaign period.
Magsisimula ang campaign period para sa national candidates sa Pebrero 11, habang sa Marso 28 para sa local candidates. Maliwanag?
***
Malaking pera ang nasayang ng Comelec sa paglabas ng desisyon ng Korte Suprema hinggil sa “nuisance candidates”.
Pinaboran kasi ng Korte Suprema ang apela ng ilang kandidato na dinis-qualify ng Comelec dahil “nuisance” candidate daw tulad ng kaso ni Edgar Erice ng Caloocan City.
Si Erice, dating kinatawan ng Caloocan City, ay ‘dinis-qualify ng Comelec at hindi isinama ang pangalan sa balota. Nagpasaklolo ang una sa Korte Suprema at pinaboran ito ng korte.
Ilang kandidatong senador din ang dinis-qualify ng Comelec sa dahilang wala raw itong kakayahan para sa nationwide campaign. Nagpasaklolo ang mga ito sa Korte Suprema at pinaboran din sila ng kataas-taasang hukuman.
Sinabi ng Korte Suprema na hindi basehan ang kawalan ng pera ng isang kandidato para sabihing ito’y nuisance candidate. At ipinasasama nito sa balota ang pangalan ng naturang mga kandidato.
Pero dahil higit isang linggo nang inumpisahan ang pag-iimprinta sa 71 milyong balota na gagamitin sa halalan 2025 kailangan itong ipatigil nitong Martes ng gabi. Enero 14, para maisama ang pangalan ng mga sinasabing “nuisance” candidates.
Sinasabing mahigit P150 million na ang halaga ng mga naimprintang balota, ito’y mga basura na! Sayang na taxpayers money!
Kung nagtanong sana muna ang Comelec sa Korte Suprema hinggil sa mga kaso ng sinasabi nilang “nuisance”, hindi masasayang ang napakalaking perang ito ni Juan dela Cruz. Mismo!
Anyway, batas na itong naging desisyon ng Korte Suprema. Wala nang pobreng kandidato na maituturing na nuisance sa mga sunod na halalan. Obra na sina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin. Hehehe…
***
Mga suki, kung kayo ang tatanungin: Pabor ba kayo na ‘wag nang habulin si VP Sara sa mga “nilustay” niyang P612 million confidential funds? Txt n’yo nga ako…