Advertisers
Sa loob lamang ng 24-oras, arestado sa magkakahiwalay na operasyong isinagawa ng pulisya ng Valenzuela ang limang lalaking ‘wanted’ na may iba’t ibang kinasasangkutang kaso at isang ‘high value individual’ (HVI).
Kinilala ni PCol. Nixon M Cayaban, hepe ng Valenzuela City Police Station ang tinaguriang ‘most wanted person’ sa lungsod na si alyas ‘Baneng’, 52, construction worker, at residente ng Disiplina Village, Barangay Lingunan, Valenzuela City.
Naaresto si Baneng ng Warrant and Subpoena Section (WSS), 1:50 ng madaling araw, Enero 24 sa kanyang tirahan matapos isilbi ang ‘warrant of arrest’ para sa kasong frustrated homicide na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 172.
Kinilala din ang isang senior citizen’, na kabilang din sa ‘wanted persons’ na si Wenifredo, 64, residente ng Manalo Compound, Barangay Dalandanan, Valenzuela City na naaresto ng WSS ala-1:20 ng hapon, Enero 24 sa kasong ‘theft’ na inilabas ng Valenzuela City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 82 noong October 7, 2024 .
Makalipas lamang ang ilang minuto, isa namang ‘most wanted person’ na nagtago ng 22 taon sa batas ang naaresto naman ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS), alas-2:05 ng hapon sa kahabaan ng Herrera St., Sta. Cruz, Manila.
Arestado si ‘Gilbert’, 43-anyos, residente ng Barcelona St., La Poblacion, Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan at naaresto sa bisa ng ‘warrant of arrest’ para sa kasong ‘frustrated murder’ na inisyu ng Valenzuela City RTC Branch 75 noong January 22, 2003. May rekomendadong P200,000 piyansa ang korte para dito.
Kasunod nito, nahuli ang isa pang nasa talaan ng ‘wanted persons’ na si Ariel, 32, ng Miranda St., Barangay Paso De Blas, Valenzuela City matapos isilbi ang warrant of arrest kay Ariel para sa kasong ‘Acts of Lasciviousness’ na inilabas ng Caloocan City MTC Branch 53 na may petsang December 17, 2024.
Hindi din nakaligtas sa pulisya ang tinaguriang ‘Top 10 Most Wanted Person’ ng Valenzuela City Police Station nang arestuhin ito ng pulisya ng substation-2 (Barangay Gen. T. De Leon), 12:30 ng tanghali, Enero 25 na si Argie, 34 anyos sa kanyang bahay sa Medina St., Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City, sa kasong ‘frustrated murder’ na may petsang March 12, 2024 na may inirekomendang pyansang P200,000 .
Samantala, isang tinaguriang ‘high value individual’ (HVI) ang nalambat naman ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), alas-2:05 ng madaling araw, Enero 25 sa isinagawang buy-bust sa Barangay Veinte Reales sa suspek na si alyas ‘Biboy’, 27, residente ng Barangay Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Narekober sa suspek ang isang cell phone, coin purse, at humigit-kumulang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000 na nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 at 11 sa ilalim ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(Beth Samson)