Advertisers
IPINAKITA na ni Senate President Chiz Escudero ang opisyal na robe na susuutin ng mga senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nabatid na sinukat na ng mga senator-judges ang naturang Oxford crimson robe na isinuot noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Sa inisyal na iskedyul, nakatakdang magsimula sa Hulyo 30 ang impeachment trial laban kay Duterte sa ilalim ng 20th Congress.
Kaugnay nito, sa kabila na hindi direktang sinabi ni Duterte ang detalye ng paghahanda ng kaniyang legal team para sa impeachment case laban sa kaniya nagpahiwatig siyang buo ang kumpiyansa niyang malalampasan ito.
Nabatid na kailangan ng two-thirds majority vote para mahatulan si Duterte kung saan kailangan niya ng siyam na boto upang hindi ma-impeach at tuluyang makatakbo sa pagka-Pangulo ng bansa.
Nahaharap si Duterte sa tatlong impeachment complaints dahil sa umano’y ilegal na paggamit niya ng P612 milyong confidential funds sa kaniyang tanggapan sa Office of the Vice President, at sa dati niyang pinamumunuan na Department of Education (DepEd). (Mylene Alfonso)