Advertisers
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na kailanman ay hindi para sa pulitika o sa alinmang grupo bagkus ay tungkol sa paglilingkod sa lahat ng Pilipino—nang walang pagbubukod o pagtatangi — ang ginagawa niya sa Senado.
Nanindigan si Go na nananatili siyang matatag sa kanyang mga tungkulin at ang kanyang prayoridad ay ang iangat ang buhay ng mga Pilipino.
Iginiit ng senador na ang serbisyo publiko, para sa kanya, ay dapat walang pinipili dahil ito ay isang moral na responsibilidad sa bawat mamamayan.
“Gusto n’yo man po ako o hindi, magseserbisyo po ako sa aking kapwa Pilipino. Mahal ko po ang aking kapwa Pilipino,” ani Go.
Sa katatapos na halalan, si Go ang nanguna sa pagkasenador sa Mindanao at sa mayorya ng Visayas gayundin sa mga pangunahing bahagi ng Luzon.
“Wala po akong pinipili kahit anong tribu sa Davao o sa Mindanao. ‘Yung mga Muslim, mahal na mahal namin ‘yan riyan. Parati kong sinasabi, kung anuman ang ating relihiyon, ay Pilipino tayo. Magmahalan tayo,” aniya.
Ang kanyang legislative record ay sumasalamin sa inklusibong mensaheng ito. Katuwang siya sa nagtataguyod ng Senate Bill No. 1273, o ang Equal Access to Public Cemeteries Bill, na ginagarantiyahan ang angkop sa kulturang libingan para sa mga Muslim na Filipino at Indigenous Peoples (IPs).
Inihain din niya ang SBN 2917, o ang Delayed Registration of Birth Act of 2025, upang gawing simple ang proseso ng pagpaparehistro ng kapanganakan at alisin ang mga kaugnay na bayarin sa mahihirap na pamilya.
Ang panukalang batas ay upang tugunan ang humigit-kumulang 3.7 milyong hindi rehistradong Pilipino, karamihan ay mula sa malalayo at hindi naseserbisyuhang IP communities.
Aktibo rin niyang itinulak ang dagdag na suporta para sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) para palawakin ang mga programa tulad ng Hajj subsidies, educational scholarship, community development, at access sa healthcare. Ito ay mga hakbang na sumasalamin sa kanyang mas malawak na pananaw sa serbisyong walang pinipili.
“Ang pagseserbisyo po ay walang pinipiling oras. Dapat po ay palagi tayong handa. Kaya kung anuman po ang aking pagkukulang ay susubukan ko na magsisipag pa po ako lalo na. ‘Yan lang po ang pwede kong ialay sa Pilipino—sipag, malasakit, at mas maraming serbisyo.”
Sa huli, sinabi ni Go na ang kanyang pananaw na nakaangkla sa pagpapakumbaba at pakikiramay, ay nag-ugat sa paniniwalang ang lahat ng Pilipino—anuman ang pinagmulan—ay karapat-dapat sa buong atensyon, paggalang, at suporta ng pamahalaan.