Advertisers

Advertisers

Gambling lords at Police scalawags, tiba-tiba dahil dedma si Gen. Quesada sa illegal gambling sa Mindoro? (Part-7)

0 25

Advertisers

Malaking insulto kay MIMAROPA Police Regional Director PBGen.Roger Quesada ang direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na pangunahan ang pagsugpo sa kriminalidad sa buong MIMAROPA (Mindoro, Marinduque,Romblon at Palawan) at ang paglutas sa kasong pagpatay sa Broadcast Journalist na si Cresenciano “Cris” Bunduquin noong May 31, 2023 ng diumanoy grupo ng mga gambling operator at protektor ng sugal sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Mandato ng DILG na pangasiwaan ng Philippine National Police (PNP), na ang tungkulin ay magpairal ng peace and order, labanan ang kriminalidad at sugpuin ang mga sindikato.

Sa isyung ito, tila nahihinaan si DILG Sec Remulla sa performance ni Gen. Quesada, dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nito nareresolba kung sino ang mga nasa likod at mastermind sa pagpaslang sa mamamahayag.

Hanggang ngayon hustisya ang panawagan ng pamilya ni Bunduquin. Mabagal ang pulisya sa Oriental Mindoro sa pagtugis sa killer at mastermind. Sabi nga noon ng dating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez, tinututukan nila ang kaso at mayroon na silang sinusubaybayang mga personalidad kaugnay sa murder ni Bunduquin. Ayon kay Gutierrez, isa umanong police major at kasamahan nito na gambling operator ng peryahan ang tinuturong ‘‘utak’’ sa pagpatay. Bukod sa dalawang persons of interest, tatlo pang personalidad ang pinagsususpetsahang sangkot sa pagpatay sa radio broadcaster.

Si Bunduquin ang ika-apat na mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Marcos administration. Una ay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental na pinagsasaksak noong Set. 18, 2022. Ikalawa ang veteran broadcaster na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Oktubre 3, 2022 sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas at ang pang apat ay ang beteranong mamamahayag na si Juan “Johnny” P. Dayang na pinatay sa loob ng kanyang bahay sa Kalibo, Aklan nitong Martes ng gabi Abril 29, 2025 na hanggang ngayon, wala pang nakakamit na hustisya ang mga pinaslang na mamamahayag.

Sa umpisa pa lang ng panunungkulan ni Gen. Quesada, marami ang napataas ng kilay kung bakit paglaban lang sa illegal drugs ang direktiba niya sa mga PNP provincial director at mga hepe ng pulisya sa MIMAROPA at walang nabanggit tungkol sa illegal gambling na ilang taon ng talamak sa kanyang Areas of Responsibilities (AoR), na isa sa mga source ng korupsyon sa pambansang pulisya.

At dahil ‘nganga’ sa illegal gambling si Gen. Quesada, naglulundag sa tuwa ang mga gambling operators/lords at scalawag na parak dahil tiba-tiba sila sa operasyon ng STL-con jueteng, bookies, lotteng at sugal sa perya na color games, at drop ball baraha sa limang probinsya na sakop ng Region 4B. Pwe!

Lahat ng uri ng illegal gambling ay masama, pero masasabing pinakamasama ang gabi-gabi na sugal sa perya na inaabot ng madaling araw, matanda at minor de edad tumataya ng libu-libo sa color games at drop ball baraha.

Sa ngayon, Oriental Mindoro ang may pinakamaraming nagpapasugal ng color games at drop ball baraha, at sa kabila ng pagbabawal sa sugal na ito, eh, kataka-taka na ‘dedma’ lang sina PNP-Region 4B Director, Gen. Roger Quesada at Provincial Director Col. Edison Revita sa raket ng mga perya operators sa kanilang jurisdiction. Boom panes!

Marami nang naging police region 4B director at naging Oriental Mindoro provincial director, at sa panahon nila ay tumitiklop ang mga gambling operators, walang nakapormang mga ilegalista, lalo na ang mga peryante dahil kada latag nila ng kanilang illegal gambling ay hinuhuli sila ng mga awtoridad.

Pero sa panahon ngayon nina PNP-Region 4B Director Gen. Quesada at PD Col. Revita, aba’y lintek, parang mga kabuteng nagsulputan ang mga pergalan o perya-sugalan sa mga barangay at mga bayan ng Mansalay, Bulalacao, Bongabong, Pinamalayan, Roxas, Gloria, Bansud, Victoria, Pola, Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Naujan, Socorro, at Calapan City, Oriental Mindoro. Tsk! Tsk!

***

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com