Advertisers

Advertisers

Kalokohan pa ni Harry Roque

0 5,419

Advertisers

DAPAT talagang maaresto na at ma-disbar si Harry Roque, ang puganteng dating presidential spokesperson ni Digong Duterte.

Aba’y mantakin mong tatlo raw ang pasaporte niya? Kung totoo nga ito, isa itong paglabag sa batas. Mismo!

Kaya naman nanggigigil na si Justice Secretary Boying Remulla sa mga kalokohan nitong si Roque. Pinaglalaruan niya na kasi ang awtoridad. Ang tindi pa niyang mangantiyaw sa mga opisyal ni Pangulong “Bongbong” Marcos at mismo sa Pangulo.

Sa panayam ng media nitong Martes, Mayo 27, kay Remulla, sinabi niyang hihingi siya ng paliwanag mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung paano nakakuha si Roque ng tatlong pasaporte.

Ito’y matapos ipagmalaki ni Roque na nasa Dutch government ang isa sa kanyang tatlong passports, kaugnay sa kanyang hiling na mabigyan ng asylum sa naturang bansa.

Nais ni Remulla na kanselahin ng DFA ang pasaporte ni Roque matapos maglabas ang Angeles City Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay sa kasong ‘qualified human trafficking’ na kanyang kinahaharap.

Dakpin si Roque! Alisin na ang kanyang lisensiya sa pagka-abogago este abogado!

***

TATLO taon pa bago ang eleksyon sa panguluhan. Pero nagsagawa na ng survey ang Tangere kung sino ang sunod na lider ng Pilipinas pagkatapos ng termino ni Bongbong Marcos Jr. sa 2028.

Sa naturang survey, nanguna si Vice President Sara Duterte na nakakuha ng 29 porsyentong voter preference dahil sa malakas na suporta sa kanya ng mga taga-Davao at Northern Mindanao.

Pumapangalawa si dating Vice President Leni Robredo na mayroong ng 21 porsyento, na ang puwersa ay galing sa Metro Manila at Bicol Region.

Sinundan sila ni naSenator-elect Christopher Lawrence “Bong” Go (15 %), Senator Raffy Tulfo (11%); at House Speaker Martin Romualdez (6%) na nakakuha lamang ng suporta sa taga-Eastern Visayas at Northern Luzon.

Isinagawa ang survey sa buong bansa para sa presidential elections na gaganapin tatlong taon mula ngayon.

***

BUMILIS daw ang travel time sa EDSA dahil sa NCAP, sabi ng Metro Manila development Authority (MMDA).

Nasa ikalawang araw na nitong Martes ang MMDA sa muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Batay sa monitoring ng MMDA Traffic Discipline Office – Central Traffic Enforcement District, sa bahagi ng Commonwealth Avenue, sinabi ng ahensiya na makikita na umiiral ang disiplina ng mga nagmamaneho ng sasakyan at motorsiklo.

Bumilis din ang travel time ng mga pampublikong sasakyan dahil mas naging organisado ang daloy ng trapiko. E ‘di wow!!!