Advertisers
KUMANA na naman ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) nang batikusin nito ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng ating pamahalaan.
“Patay na polisiya”, ang tawag nila dito. Pero agad namang sinopla ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang NUPL at sinabing :ang retorika ng grupo ay walang ibang layunin kundi protektahan ang bigong armadong kilusan.’
Sa pahayag ni NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto C. Torres Jr., nais raw ng NUPL na ipinta ang NAP-UPD bilang muling pag-uulit ng isang nabigong estratehiya.
“Lagi’t laging pipiliin ng sambayanang Pilipino ang kaunlaran kaysa propaganda. Ang tinatawag nilang patay na polisiya ay nagbubunga na ng konkretong benepisyo at serbisyong nagliligtas ng buhay,” diin ni Torres, habang binanggit ang mga tapos nang kalsada, klinika, silid-aralan, at kabuhayan sa mga barangay na dati’y hawak ng CPP-NPA-NDF.
Binanatan ni Torres ang NUPL sa pagiging “ipokrito” at sa umano’y “pilian sa pagbanggit ng mga datos” upang sumunod lamang sa kanilang naunang isinusulong na naratibo. “Noong tinukoy ng United Nations ang mga napatunayang ulat ng pag-atake at pangangalap ng mga bata ng NPA, minaliit ito ng NUPL bilang propaganda ng militar. Ngunit sa kabilang banda, pumipili naman sila ng ilang linya mula sa mga Special Rapporteur ng UN upang igiit na buwagin ang NTF-ELCAC. Hindi ito adbokasiya—ito’y pandaraya.”
Tinukoy rin ni Torres ang pagtutol ng NUPL sa pagsusuri ng gobyerno sa dayuhang pondong natatanggap ng ilang NGO. “Bilang tagapayo ng mga grupong iniimbestigahan sa umano’y money laundering para sa pakinabang ng armadong kilusan, may interes ang NUPL na hindi usisain ang pinagmulan ng pondo,” ani Torres. “Kaya hindi kataka-takang nasaktan sila sa panawagan ni Secretary Eduardo Año na ‘Turn off the Red Taps.’ Ang pananagutan sa dayuhang pondo ay hindi panunupil—ito ay simpleng katuwiran. Lalo na kung marami nang ebidensiya na ang perang dapat sana’y para sa edukasyon ay nauuwi sa pagpapasabog.”
Ayon kay Torres, malinaw na ang tagumpay ng NAP-UPD ay makikita na sa mga komunidad na dati’y nasa ilalim ng takot. “Ngayong may mga kalsadang abot na ang mga sitio na dati’y isang araw na lakad, at ang mga serbisyong panlipunan ay pumapasok na nang walang bantang ambush ng NPA, unti-unti nang gumagaling ang mga komunidad at umuunlad ang mga lokal na ekonomiya.”
Pinabulaanan din niya ang paratang na tinatapos ng plano ang usapang pangkapayapaan. “Salungat sa maling impormasyon, pinalalakas ng NAP-UPD ang Localized Peace Engagements. Mismong mga gobernador, alkalde, at sektor ang nakikipag-usap sa mga natitirang armadong grupo habang sinusuportahan ng national government ang kanilang pagbabalik-loob. Ang kapayapaan ay nangyayari sa mismong mga sitio at barangay na dati’y binabalot ng labanan.”
Binasura rin ni Torres ang akusasyong hindi sinasagot ng plano ang mga estruktural na isyu. “Ang plano ay namumuhunan sa land titling, farm-to-market roads, scholarship vouchers, at dispute mediation. Ipinaglalaban nito ang kahirapan gamit ang aktuwal na badyet—hindi gamit ang pantasyang may bitbit na riple ng ‘people’s war.’”
Tinawag ni Torres na “luma nang klisey” ang mga argumento ng NUPL, at hinamon ang grupo na bumisita sa mga barangay leaders na aktwal na nagpapatupad ng mga programang kanilang kinukutya. “Hangga’t hindi nila nararanasan ang tunay na pagbabago, ang NAP-UPD ay magpapatuloy—kasama ng mga komunidad na sawa na sa panlilinlang at panggugulo, at mas pinipiling sumulong kaysa maniwala sa propaganda.”