Advertisers

Advertisers

PARUSAHAN SI TRICKY TSIS AT MGA TIWALING SENADOR

0 76

Advertisers

MARAMING netizen ang nagtataka kung bakit hindi sumasailalim ng impeachment si Tricky Tsis at mga tiwaling senador kaugnay sa kanilang pagpiilit na ipagpaliban o tunawin ang impeachment trial ni Misfit Sara. Sa kanila, marapat na humarap sila sa kaparehong parusa tulad ng ibang opisyales ng bansa at ito ang impeachment.

Ipinaliwanag ni Leila de Lima, ang dating senadora na ipinakulong ni Gongdi ng halos pitong kasalanan kahit walang kasalanan, na hindi isinama ng Saligang Batas ang mga kasapi ng dalawang sangay Kongreso – Senado at Camara de Representantes – sa mga opisyales na maaaring matanggal sa proseso ng impeachment.

Sa kanyang pagharap kamakailan sa mga mamamahayag, ipinahayag ni de Lima na tanging ang mga matataas na opisyales ng gobyerno ang haharap sa impeachment process: Ehekutibo – pangulo at pangalawang pangulo; Hudikatura – punong mahistrado at mga mahistrado ng Korte Suprema, Ombudsman, at mga mahistrado ng Sandiganyabayan; at constitutional offices – chair at commissioner ng Commision of Elections (Comelec); Commission on Audit (CoA); Commission on Human Rights (CHR); at Civil Service Commission (CSC).



Sa ilalim ng prinsipyong “checks and balance,” ibinigay ng Saligang Batas ang kapangyarihan na maging hukom ang Senado sa bawat usapin ng impeachment at taga-usig (prosecutor) naman ang Camara, ani de Lima. Malinaw ito sa Saligang Batas upang may sariling papel na gagampanan ang dalawang kapulungan ng Kongreso, aniya.

Ngunit walang binanggit na anuman ang Saligang Batas na mas makapangyarihan at mataas ang Senado kesa sa Camara, ayon sa mga ilang pantas sa batas tulad ni Adolf Azcuna at Reynato Puno. Taliwas ito sa mapangahas ngunit baluktot, lihis, at walang batayan na paliwanag ni Tricky Tsis na mas mataas at makapangyarihan ang Senado kesa sa Camara dahil kaya nitong utusan ang Camara upang magharap ng kaukulang ebidensya sa Senado.



Hindi namin alam kung saan nahukay ang walang batayan at katuturan na katwiran dahil hindi ito ang layunin ng Saligang Batas. Hanggang ngayon, pinagtatawanan si Tricky Tsis na wlang karanasan sa batas kahit isa siyang abogado.

Kabilang si Azcuna sa 49-kataong komisyon na pumapanday sa 1987 Konstitusyon. Si Azcuna ang may-akda ng probisyon sa Saligang Batas hinggil sa impeachment at accountability (pananagutan) ng mga lingkod bayan. Retiradong mahistrado ng Korte Suprema si Azcuna tulad ni Puno. Minsan naging punong mahistrado si Puno ng pinakamataas ng husgado sa bansa. Siya ang kasalukuyang chair ng Philippine Constitution Association (Philconsa).



Walang rason upang ihambing si Tricky Tsis sa stature ni Azcuna at Puno. Pipitsugin at patapon si Tricky Tsis sa maraming isyu ng batas. Pinagtatawanan siya ng mga komunidad ng mga manananggol sa bansa. Hindi siya sineseryoso, sa aming pagtaya.

Ipinaliwanag ni de Lima na may sariling alituntunin ang mga mambabatas at marapat nilang sundin ito. Kung lalabagin nila ang kanilang alituntunin, mismong ang mga kasama nilang mambabatas ang mag-aalis sa kanila, aniya.

Kaya matindi ang pangangailangan ng “delicadeza” upang gawin nila ang dapat gawin kahit hindi nakikita ng bayan at mga kasama. Matindi ang pangangailangan ng kusang palo, sa totoo lang. Ibang usapan kung may delicadeza ang mga senador ng bansa.

***

HINDI kami naniniwala kung naiintindihan ng karamihan sa mga senador ang konsepto ng delicadeza. Mas hindi kami kumbinsido kung ipinapatupad nila ito batay sa dikta ng kanilang konsisensya. Isang matinding HINDI ang aming sagot kung kami ang tatanungin kung may delicadeza at budhi ang maraming senador tulad ni Trisky Tsis, Bato, Imee, Robin, Bong Go, Migz, Alan Peter, Pia, Lito, at iba pa.

Hindi namin sila narinig at naramdaman na may pagkiling sila sa katotohanan at katarungan. Pawang pagpapanggap at kabalintunaan ang aming narinig sa kanilang mga paksa at katwiran. Hindi kami baliw para maniwala na mayroon silang iaambag sa naantalang impeachment trial ni Misfit Sara.

Kung maaari, tunawin ang impeachment trial sa pinakamadaling panahon. Nakita natin ito sa katwiran ni Bato noong ika-10 at 11 ng Hunyo. Ipinilit ni Baton a huwag patawirin sa ika-20 ng Kongreso ang paglilitis ni Misfit Sara. Kung maaari ay madaliang ibasura ang impeachment trial at kung mang mas madali, mas maigi. Hindi siya kinagat ng mga kasama dahil wala itong batayan sa katotohanan at batas.

Pinakamagandang paghandaan ng sambayanan ang anumang tangka ng mga senador na makiling sa Misfit na tunawin ang paglilitis kay Misfit Sara. Gagawin ito upang isakatuparan nila ang maitim na balak. Walang dapat asahan sa susunod na Senado.

Maiging paghandaan na parusahan ang mga tiwaling senador na nagpakita ng pagkiling kay Misfit Sara. Palitan si Tricky Tsis bilang pangulo ng Senado at tuluyang igarahe sina Bato, Imeee, Robin, Bong Go, at iba pa.