Advertisers

Advertisers

Mapanganib na eksperimento

0 4,447

Advertisers

Sa pabagu-bagong mundo ng pampulitikang komunikasyon, ang huling kailangan ng Palasyo ay isa na namang sugal. Ngunit kung pagbabasehan ang mga bulong mula sa loob ng Malacañang, mukhang isa na namang mapanganib na eksperimento ang isinasalang, sa katauhan ni Dave Gomez, na umano’y tahimik na isinasailalim ngayon sa pagsusuri para sa posibleng pagtatalaga sa Presidential Communications Office (PCO).

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, naimbitahan at na-screen na si Gomez noong nakaraang linggo, ngunit wala pang opisyal na pahayag kung siya ay pumasa sa masusing pagsisiyasat ng mga nasa kapangyarihan. Gayunpaman, napaaga na ang mga reaksiyon—lalo na mula sa mga health advocates na nababahala sa posibilidad na magkaroon ng direktang kinatawan ng tobacco lobby sa loob mismo ng Palasyo.

At sino ba ang hindi mangingimi? Ang mahabang karera ni Gomez sa isang higanteng kumpanyang kilalang-kilala sa agresibong lobbying ay may dalang pangambang hindi basta-bastang maibabalewala. Sa panahong puno ng krisis sa kalusugan at maling impormasyon, tila hindi angkop—at delikado pa nga—na ang isang tauhang may malapit na koneksyon sa industriya ng sigarilyo ang italaga sa isang sensitibong posisyon ng komunikasyon. Ang kanyang karanasan, sa halip na maging lakas, ay maaaring maging kahinaan.

Mas lalong tumitindi ang agam-agam sa gitna ng bulungan mula sa loob mismo ng kumpanyang kanyang iniwan. Ayon sa ilang dating at kasalukuyang opisyal ng Philip Morris, hindi umano nila lubos na kinikilala ang kakayahan ni Gomez, at binanggit pa ang kultura ng kumpanya na “magretiro” ng mga empleyadong hindi na nila nakikitang kapaki-pakinabang. Isang simpleng tanong ang lumulutang: Bakit nga ba “ni-retire” kung tunay siyang asset?

Ang desisyong ito ni Gomez—kung itutuloy nga niya ang hamon—ay maaaring maging pinakamahalaga sa kanyang karera. Kakayanin ba niyang harapin ang unos sa gitna ng mga isyu at batikos na kinakaharap ng administrasyon? O baka naman isa lang siyang magiging dagdag-pasanin sa isang kagawaran na patuloy nang kinakapos sa kredibilidad?

Kaawaan nawa siya ng Diyos. At higit sa lahat, kaawaan din tayong lahat—dahil masyadong mataas ang nakataya sa PCO para basta ibigay sa isang taong maaaring hindi handa sa init ng tunay na serbisyo publiko.