Advertisers
TAON-TAON bilyon bilyongg piso ang naisisingit na pondo ng mga mambabatas para kuno sa flood control projects sa kanilang mga nasasakupan.
Oo! yearly ito, mga pare’t mare. Simula kay dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo (2001 – 2010), late Noynoy Aquino (2010 – 2016), Rody Duterte (2016 – 2022) at ngayon kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ay nagsisingit ng daang bilyones ang mga mambabatas (kongresista at senador) sa General Appropriations Act (GAA) para sa flood control kuno, para raw mapigilan ang mga grabeng pagbaha sa kanilang distrito o rehiyon.
Pero sa kabila nito ay hindi naman nabawasan ang mga pagbaha, lalo pa ngang lumalala. Mismo!
Mantakin n’yo, mga pare’t mare, palaki nang palaki ang kanilang pondo sa flood control eh hindi naman nadadagdagan ang mga ilog at creek, nababawasan pa nga gawa ng mga developer.
Dapat na itong paimbestigahan ni Pangulong Bongbong!
Opo! napakalaking taxpayers money ang bumabaha para sa flood control projects ng mga mambabatas pero walang nakikitang flood control. Kung meron man, wasak agad ‘pag binaha dahil puros lang buhangin, kulang sa semento at maliliit ang mga bakal na gamit. Bunga ito ng grabeng koprapsyon, Mr. President!
Sa birada nga ni Senate President “Chiz” Escudero, binuking niya ang Kamara na mas malaki ang “singit” na pondo para sa flood control kesa kanilang mga senador.
“Ito ay isyu ng buong budget, hindi lamang ng taong ito. Tingnan mo na lamang sa Kamara kung ano ang mga panukala nila. Bakit Senado ang pinupuntirya, samantalang mas malalaki ang insertions ng Kamara?”.
Kaugnay ito sa P142.7 billion allocation for infrastructure projects ng mga senador na kaalyado ni Escudero para manatili sa pagiging Senate President sa 20th Congress.
Sa statement na ito ni Escudero, dapat kalkalin ang pondo ng bawat kongresista sa kanilang distrito para sa infras partikular flood control. Dahil maraming kongresista ang hindi naman kailangan ng napakalaking pondo sa infras lalo yung mga taga-Metro Manila na wala namang paglagyan ng mga tulay at kalsada dahil buo nang lahat. Mismo!
Ang dapat talaga pondohan ng malaki ay ang mga nasa liblib na distrito na nangangailangan ng maayos na infrastructures tulad ng maayos na kalsada, tulay at pangkabuhayan ng mga mamamayan.
Pero dapat maging mahigpit ang gobierno sa mga paglalagyan ng proyekto, at ang Commission on Audit sa mga pondong ito. Dahil napaka-prone sa depektibo at ghost projects ang mga liblib na probinsiya. Tulad lamang sa Romblon partikular sa Tablas island. Nagpagawa ng maraming kalsada sa kabukiran na hindi naman nadadaanan, dahil bukod sa matarik ay masama pa ang kondisyon ng pagkagawa. Hindi na nga madaanan ngayon dahil nagkaroon na ng mga sapa sa gitna at tinubuan na ng mga kogon. Sayang ang daan-daang milyones na taxpayers money dito! Mismo!!!
Magalit ka na, Mr. President!!!