Advertisers

Advertisers

PBBM sa mga tiwali: ‘MAHIYA NAMAN KAYO SA INYONG KAPWA FILIPINO!’

0 25

Advertisers

MARIING tinuligsa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang aniya’y talamak na katiwalian sa mga flood control projects sa bansa.

Sa kanyang SONA Speech, isiniwalat ni PBBM na sa kanyang personal na pag-inspeksyon matapos ang pananalasa ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong, ay nakita niyang maraming flood control projects ang palpak, gumuho, o hindi naman talaga naipatupad.

Iginiit ng Pangulo na alam na ng publiko ang mga iregularidad sa mga proyektong ito, gaya ng mga kickback, SOP, at mga kasunduan sa pagitan ng ilang opisyal at kontratista.



Binigyang-diin niya na ang ganitong mga gawain ay hindi lamang pagnanakaw ng pera ng bayan kundi pati na rin ng kinabukasan ng mga Pilipino.

Aniya, dapat mahiya ang mga sangkot dito sa mga pamilyang naapektuhan ng baha at sa mga batang mamamana ng utang na dulot ng mga ganitong katiwalian.



Para hindi maulit ang mga ganitong insidente ng kapabayaan, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects sa bawat rehiyon na sinimulan o natapos sa loob ng nakalipas na tatlong taon.

Kasabay nito, susuriin din ng Regional Project Monitoring Committee ang listahang ito upang tukuyin ang mga proyektong bigo, hindi natapos, o pinaghihinalaang ‘ghost projects’.



Isasapubliko rin ang listahan ng mga proyekto upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na magsuri at magbahagi ng impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon.

Bukod dito, ayon sa Presidente, magkakasa rin ng audit at performance review upang matukoy kung paano ginamit ang pondo ng bayan.

Sa mga darating na buwan, tiniyak ng Pangulo na sasampahan ng kaso ang lahat ng mapapatunayang may sala, kabilang ang mga kasabwat na kontratista.

Paliwanag niya, layunin ng hakbang na ito na maipakita sa publiko ang buong katotohanan at mapanagot ang mga sangkot sa pinsala at katiwalian.

Sa usapin naman ng national budget, nagbabala ang Chief Executive na ibabalik niya ang General Appropriations Bill na hindi tugma sa National Expenditure Program (NEP).

Handa aniya siyang humantong sa reenacted budget kung kinakailangan, sapagka’t hindi niya pahihintulutang maaprubahan ang badyet na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)