Advertisers
Ni Archie Liao
HINDI kaila kay Direk Brillante Mendoza na mabilis na nag-eevolve ang teknolohiya ngayon.
Bukod sa makabagong software at gadgets na gamit ng GenZers, marami ring modern equipments na gamit ng iba’t ibang klase ng industriya sa buong mundo.
Kasama na riyan ang AI or artificial intelligence.
Ayon naman sa Cannes best director, hindi na raw mapipigil ang ganitong klase ng teknolohiya maging sa filmmaking.
Gayunpaman, para sa kanya, may pros and cons ang paggamit ng AI sa pelikula, serye o related medium.
“Well, actually ang AI pag ginamit mo naman ng tama, makakatulong siya. Siyempre, kami, tayo, ang kapanahunan natin, encyclopedia pa. With AI, madali na ngayon pero at the same time, dapat alam mo kung paano siya gamitin,” aniya. “Di mo siya puwedeng i-resist kasi nandiyan na iyan. Technology iyan, part iyan,” dugtong niya.
Naniniwala rin siya na ang paggamit ng AI ay magiging emerging trend hindi lang sa bansa Kundi sa buong mundo.
“Alam mo five years from now, sa totoo lang, magbabago rin ang landscape sa ating industry because of AI,” hirit niya.
Bagam’t, kailangang umagapay sa mga pagbabagong dala ng makabagong teknolohiya, dapat daw ay hindi makalimot ang creators sa kanilang roots o pinagmulan.
“Pero ang hindi kaya ng AI ay iyong human connection. Ang culture kasi kailangan ng human connection. Dapat ang artists at creators, iyon ang dapat nilang pangalagaan. Huwag silang mawalan ng koneksyon kasi with AI, robot lang ang kausap mo all the time,” paliwanag niya. “Iyon kasi ang ating strength as creators as storytellers kasi hindi naman iyon maipro-provide ng AI,” pahabol niya.
Sa kasalukuyan ay hindi raw ginagamit ng kanyang produksyon ang AI.
“So far, hindi pa. Wala pa kami sa ganun,” sey niya. “Wala pa kami sa ganun! Unang-una, hindi naman kailangan ng AI ng production ko, kasi indie lang kami. Hindi naman kami mainstream, di ba? Iyung AI, magwu-work siya, kasi pang-effects. Mga big production,” dagdag niyang paliwanag.
Bilang multi-awarded filmmaker at Cannes best director na hindi na matatawaran ang ambag sa industriya, wala rin daw siyang ilusyon na maging National Artist.
“Hindi ko iyan tinitingnan sa ganoong aspeto. Tinitingnan ko palagi kung ano iyung maibibigay ko,” hirit niya. “Kasi alam mo, pag talaga you feel it truly in your heart — walang eklat — it feels so fulfilling,” dugtong niya.
Masaya rin daw siya na nakakatulong siya sa new crop of emerging filmmaker na kamakailan lang ay sumailalim sa kanyang Masterclass.
“Alam mo, iyong master class ko na nga lang, iyung parang pag nakikita ko, ‘My god,’ sabi ko sa kanila, alam mo pag iyung lalapit sa iyo ang estudyante tapos yayakapin ka, ‘Direk, salamat, ha?’ “Parang ano ba ang nagawa ko? Nagdaldal lang naman ako dito, di ba? Nag-share lang ako ng experience. Pero para sa kanila, parang it’s a lifetime learning, alam mo yun,” pagtatapos niya.