Advertisers
Quezon City, Philippines — Mula sa matagumpay na pagdaos ng mga naunang pagtitipon, isinagawa ng Heavenly Culture, World Peace Restoration of Light (HWPL) ang 3rd National Peace Convention katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong Agosto 9, 2025 sa Quezon City Meetings, Incentives, Conference & Exhibitions (M.I.C.E) Center.
Sa temang, “Uniting for Peace and Fulfilling Humanity’s Duty Together,” layunin ng kumbensyon ngayong taon na isulong ang mga gawaing pangkapayapaan sa iba’t ibang sektor, magsilbing inspirasyon para sa kooperasyong nakapagdudulot ng pagbabago, at tutukan ang kabataan at edukasyon bilang mahahalagang haligi para sa pangmatagalang kultural at panlipunang pagbabago.
Nilahukan ng mahigit 800 tagapagtaguyod ng kapayapaan ang pagtitipon, kabilang ang mga kagalang-galang na delegasyon mula sa South Korea, Indonesia, Taiwan, at Nepal, na nakiisa sa makapangyarihang koalisyon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga tagapagturo, punong-guro at administrador, mga lider ng relihiyon, media, kinatawan ng mga kabataan, samahan ng mga kababaihan, grupong sibil at mga kasapi ng pribadong sektor.
Nagkaroon ng isang panel discussion kung saan nagtalastasan sina Assistant Professor Aldean Alonto mula sa Institute of Peace and Development in Mindanao-Mindanao State University; Commissioner Carlo Ebeo at Commissioner Arvin Villalon mula sa NCCA, at G. John Rommel Garces, Chief Branch Manager ng HWPL Philippines.
Isinulong sa kanilang usapan ang pagkakabilang ng mga kasunduang pangkapayapaan ng Bangsamoro sa Memory of the World Registry ng UNESCO upang magsilbing sagisag ng pambansang pagkakasundo at pamana sa mundo.
Wika ni HWPL Chairman Lee Man-hee sa pamamagitan ni G. Jin Mo Lee, Chief Branch Manager ng HWPL Global Branch 1, sa kanyang plenary speech, “So what our future generations need is a world of peace without wars. Is there anything greater than this? Who will make this a reality? It is all of us today. We must absolutely make this happen. That is why we have all become one united in heart. What do we always say at the beginning and at the end whenever we meet? We say, ‘We are one’ because it is proof that we are one within HWPL.”
Inilahad din ang mga pinaplanong hakbang ng bawat komite ng ng HWPL—international law, religion, peace education, youth, women, at media and public relations—upang palakasin pa ang pagtutulungan ng mga sektor. Kabilang na rito ang pagsusulong ng pambansang suporta para sa Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW), pagpapatatag at pagpapalawak ng Religious Peace Academy (RPA), pagpapalawak ng edukasyong pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga peace club sa mga paaralan, mga capacity-building program para sa mga guro, pakikipag-ugnayan sa iba pang dibisyon, at pagtatayo ng mga peace monument sa loob ng mga paaralan.
Sa kanyang Message of Peace, binigyang-diin ni NCCA Chairman Victorino Mapa Manalo ang kahalagahan ng pagtutulungan, “Ang mga ganitong kolaborasyon ay patunay na kapag nagsanib ang sining, kasaysayan at malasakit, tunay na posibleng makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Nagtapos ang pagdiriwang sa isang natatanging pagtatanghal ng musical theatre sa loob ng isang oras na pinamagatang “Mindasilang” ng Kaliwat Performing Artists Collective, Inc. Nilarawan nito ang malikhaing pagsasalaysay ng kwentong pangkapayapaan at kultura sa Mindanao.
Mas pinagtibay ng 3rd National Peace Convention ang pambansang pangako para sa pangmatagalang kapayapaan, inklusibong dayalogo, at sama-samang pag-unlad. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga bagong ugnayan, pagbabalik-tanaw sa mga parehong karanasan, at pagbalangkas ng mga kongkretong estratehiya para sa kapayapaan, layon ng pagtitipong ito na palakasin ang kontribusyon ng Pilipinas sa pandaigdigang kilusan para sa kapayapaan.
Para sa karagdagang impormasyon at mga update, bumisita sa www.hwpl.kr o sa HWPL Philippines Facebook page: fb.com/hwplph.