Ravelas: Tagumpay ng GCash IPO nakasalalay sa paglago matapos ang listing, hindi sa P10 price ceiling
Advertisers
ANG tunay na sukatan ng tagumpay ng Initial Public Offering ng Mynt Inc., ang operator ng GCash, ay hindi lamang ang P10 maximum price ceiling, kundi ang kakayahan nitong lumikha ng pangmatagalang presyo para sa mga investor at palawakin ang negosyo matapos itong ma-ilista sa stock market, ayon sa capital market expert na si Jonathan Ravelas.
Ang pahayag ni Ravelas ay kasunod ng opisyal na pag-apruba ng Philippine Stock Exchange (PSE) noong Biyernes, Setyembre 18, sa aplikasyon ng Mynt na maglista ng shares na aabot sa P92.3 bilyon – isang landmark transaction na inaasahang magiging pinakamalaking public offering sa kasaysayan ng Philippine stock market.
Sa kanyang pagsalita kamakailan lang sa news forum ng Kapihan sa Manila Bay, ipinaliwanag ni Ravelas na ang P10 maximum offer price na nakasaad sa regulatory filing ng Mynt ay nagsilbing ceiling lamang upang magkaroon ng flexibility ang kumpanya habang isinasagawa ang proseso ng IPO.
Binigyang-diin niya na hindi ito nangangahulugan na P10 ang target price o tiyak na magiging final valuation ng kumpanya dahil ang aktuwal na presyo ay matutukoy sa pamamagitan ng institutional book-building process.
Aniya, ang P10 ay isang pinakamataas na presyong itinakda para sa proseso at hindi garantiya ng magiging presyo ng shares, dahil ang tunay na price discovery ay nakasalalay sa demand ng merkado, financial fundamentals ng kumpanya at paghahambing sa mga katulad na kompanya sa industriya.
Para sa mga prospective investor, sinabi ni Ravelas na mas mahalagang tingnan kung makakakuha ang IPO ng matatag at pangmatagalang suporta mula sa institutional investors na makatutulong maglatag ng matibay na pundasyon para sa paglago ng Mynt matapos itong ma-lista.
Ayon kay Ravelas, malaki pa ang potensiyal ng fintech company, na suportado ng Globe Telecom Inc., Ayala Corp. at Ant Group, na palawakin ang kita nito habang ginagamit ang malawak nitong user base upang maging mas kumpletong digital financial services platform.
Kabilang sa mga oportunidad sa pagpapalawak ang micro-lending, wealth management, cross-border payments at digital services para sa mga merchant, na maaaring magbigay-daan sa Mynt na higit pang pagkakitaan ang mahigit 90 milyong registered users at 49 milyong active accounts nito.
Sa usapin naman ng retail investors, sinabi ni Ravelas na ang makasaysayang IPO ay nagbibigay sa ordinaryong mga Pilipino—ang tinawag niyang “Mr. Juan dela Cruz at Ms. Juana dela Cruz”—ng pagkakataong magkaroon ng direktang pagmamay-ari sa isang kumpanyang bahagi ng mabilis na lumalawak na digital economy ng bansa.
Sa ganitong paraan, ang mga Pilipino ay hindi na lamang magiging users ng GCash app kundi maaari ring maging shareholders o bahaging may-ari ng kumpanyang kanilang ginagamit.
Kaugnay nito, sinabi ni Scam Watch Pilipinas Co-Founder Jocel De Guzman na mahalaga ang naturang milestone sa Philippine capital market, ngunit kailangan ding palakasin ang consumer protection at digital security awareness habang dumarami ang ordinaryong Pilipinong pumapasok sa stock market.
Samantala, binigyang-diin ni Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque ang pakinabang ng digital payment infrastructure sa mga lokal na negosyo, partikular sa micro, small and medium enterprises o MSMEs, dahil nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataong maabot ang mga customer sa malalayong lugar at makapaghanda para sa cross-border digital commerce sa rehiyon sa ilalim ng inaasahang ASEAN Digital Economy Framework Agreement.
Sa ilalim ng mga terminong inaprubahan ng PSE board, pinahintulutan ang Mynt na mag-isyu ng hanggang 1.61 bilyong primary common shares at 6.42 bilyong secondary common shares, bukod pa sa overallotment option na hanggang 1.20 bilyong secondary shares.
Ang malilikom mula sa primary share issuance ay gagamitin para sa pagpapalawak ng digital financial services, technology infrastructure, product innovation at iba pang pangkalahatang pangangailangan ng kumpanya habang pinalalaki nito ang operasyon sa buong bansa.
Matapos ang naunang pre-effective clearance mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), nakatakdang itakda ng Mynt ang final IPO price sa Oktubre 1, isagawa ang public offering mula Oktubre 6 hanggang 12, at pormal na i-lista ang shares nito sa PSE Main Board sa Oktubre 20 sa ilalim ng ticker symbol na GCASH.
Para gawing mas accessible sa ordinaryong Pilipino ang makasaysayang offering, kinumpirma ng PSE na maaaring bumili o mag-subscribe ang local retail investors ng Mynt shares nang direkta sa pamamagitan ng GStocks feature sa GCash app at sa online PSE EASy platform.