Advertisers
MALIWANAG pa sa sikat ng araw na isang malaking hakbang para sa katarungan ang naisakatuparan ngayong taon.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12233 o ang Judiciary Fiscal Autonomy Act.
Masasabing sa wakas, maisasakatuparan na ang matagal nang pangarap ng hudikatura — ang tunay na kalayaan sa pananalapi na matagal nang nakasaad sa Konstitusyon ngunit madalas ay nababalewala.
Sa ilalim ng bagong batas, masisiguro na hindi mababawasan ang badyet ng hudikatura taon-taon, at awtomatikong ilalabas ito buwan-buwan nang walang dagdag na red tape.
Aba’y sa ganitong paraan, mas mapapabilis ang operasyon ng mga hukuman, lalo na ang mga proyektong may kinalaman sa modernisasyon at pagpapabuti ng serbisyo sa publiko.
Mahalaga ring reporma ang pagbibigay kapangyarihan sa Korte Suprema na magsumite ng sarili nitong panukalang badyet direkta sa Kongreso.
Bagama’t maaaring magbigay ng rekomendasyon ang Department of Budget and Management (DBM), malinaw na hindi na ito magiging dahilan para maantala ang paglalabas ng pondo.
Isa itong malinaw na mensahe na dapat umiral ang checks and balances, hindi delay at hadlang.
Magdudulot din ng mas maayos na pamamahala sa mga lokal na hukuman ang paglalaan ng pondo para sa Office of Regional Court Managers sa bawat rehiyon.
Dagdag pa rito, malinaw na may pananagutan pa rin sa pondo ang hudikatura dahil sasailalim ito sa post-audit ng Commission on Audit (COA).
Kaya naman, hindi lang ito usapin ng kalayaan, kundi pati ng transparency at accountability.
Hindi lamang teknikal na reporma sa pananalapi ng hudikatura ang Judiciary Fiscal Autonomy Act.
Para nga naman maging mabilis, epektibo, at patas ang hustisya, kailangan ding may sapat at tiyak na pondo.
Sabi nga, ang malaya at malakas na hudikatura ay pundasyon ng tunay na demokrasya.
May pag-asa na mas magiging matatag ang haligi ng ating katarungan.
At kung ang batas na ito ay maipapatupad nang maayos, hindi lamang mga hukuman ang makikinabang, kundi ang bawat Pilipino na naghahangad ng mabilis at makatarungang hustisya.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.