Advertisers
NANINIWALA si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakakuha ng mahigit P200 bilyon na kontrata sa gobyerno ang mag-asawang kontraktor na Curlee at Sarah Discaya.
Sa isang briefing, sinabi ng kalihim na ang papel ng mag-asawang Discaya ay “napaka-kakaiba” dahil nagawa nilang makuha ang mga kontrata ng gobyerno sa buong bansa.
Sinabi ni Remulla na sinaway ng mga Discaya ang “prinsipyo ng teritoryo” na ang ilang lugar lamang ang para sa ilang tao.
Aniya, pinahintulutan din ng mga Discaya ang iba na humiram ng kanilang lisensya, na nagpapahintulot sa kanila na makakuha ng mga proyekto sa iba’t ibang teritoryo.
Ang mag-asawang Discaya, kasama ang iba pang indibidwal, ay mga protected witnesses na ngayon.
Nilinaw ng Department of Justice na sila ay “under provisional acceptance” sa Witness Protection Program.
Gayunpaman, hindi parin sila state witness, ayon sa DOJ.
Muling iginiit ni Remulla na nanatili paring nasa mesa ang pagsasauli o restitution at dapat lumabas ang buong katotohanan.
Aniya, dapat ding magbigay ng impormasyon ang mga Discaya.
Samantala, iimbitahan din ng DOJ ang 17 mambabatas na binanggit ng mga Discaya upang ma-validate ang impormasyong ibinigay sa kanila.
Gayunman, karamihan sa kanila ay itinanggi na ang alegasyon. (Jocelyn Domenden)