“For Later Release”, ginamit umano ni dating Speaker Romualdez para itulak ang impeachment ni VP Sara — Sen. Escudero
Advertisers
“For Later Release”, ginamit umano ni dating Speaker Romualdez para itulak ang impeachment ni VP Sara — Sen. Escudero
Kinumpirma ni Senator Chiz Escudero na ginamit umano ni dating Speaker Martin Romualdez ang pondo ng FLR o “For Later Release” para sa pagtutulak ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa sesyon ngayon ay panauhin si VP Sara matapos na dumalo sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) at matapos makipagpulong sa mga miyembro ng minorya ngayong hapon.
Sa manifestation ni Escudero, sinabi niyang iniipit ni Romualdez ang pondo ng mga kongresista na nasa FLR at hindi ito ilalabas kung hindi sila lalagda sa impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sa kabila ng pagnanais ng ilan na maisulong ang impeachment case ay palagi niya noong sinasabi sa mga kapwa senador na maging maingat at mahinahon dahil kasakiman at hindi accountability ang rason ng reklamong pagpapatalsik sa bise presidente.
Samantala, umapela si Escudero sa mga kasamahang senador na huwag sumunod sa script ni Romualdez at dapat kasama ang dating Speaker sa pasagutin, maimbestigahan at makasuhan.
Naniniwala si Escudero na pinupuntirya siya ngayon dahil siya ang sinisisi ni Romualdez sa pagkakatanggal kay Congressman Zaldy Co noon bilang Appropriations Committee Chairman, ang pag-veto ng pangulo sa FLR ng mga kongresista ngayong taon at ang pagkaka-dismiss sa impeachment case laban kay VP Duterte.
***
Samantala direktang pinangalanan ni dating Senate President Chiz Escudero si dating House Speaker Martin Romualdez na nasa likod ng maanomalyang flood control projects.
Sa manifestation ni Escudero sa plenaryo, pinangalanan niya si Romualdez na nasa likod ng kaguluhan, pag-aaway at pagkakawatak-watak ng institusyon habang inililigtas ang sarili sa katiwalian ng mga ghost projects.
Tinukoy ng mambabatas na bakit tila nasesentro sa mga senador ang isyu gayong ang tunay na nasa likod ng “script” at sarswela ng flood control projects na si Romualdez ay hindi man lang napatawag, naimbestigahan at nasampahan ng kaso.
Iginiit ni Escudero na maraming beses na binanggit ng iba’t ibang resource persons sa mga imbestigasyon ang pangalan ni Romualdez ngunit sa huli ay binabawi at nagagawan aniya ng paraan para mailihis at hindi masama ang pangalan ni Romualdez sa anomalya ng ghost flood control.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang pagbanggit noon ng mag-asawang Discaya at ni dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza kay Romualdez patunay na sangkot ito sa katiwalian ng mga substandard at palpak na proyekto.
Samantala, handa naman ni Escudero na depensahan ang kanyang sarili at sa katunayan ay inihahanda niya ang mga kaso laban sa mga nag-aakusa at nagdadawit sa kanya ng mga malisyoso at walang katotohanan na alegasyon.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.