Advertisers

Advertisers

Dating DPWH DE inaresto sa kasong estafa!

0 55

Advertisers

Inaresto ng mga operatiba sa loob mismo ng kanyang opisina sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Port Area, Maynila si Engr. Isabelo Baleros, bunsod ng mga kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.

Ang warrant of arrest ay inilabas ni Hon. Tammy Ann Reyes Mendillo, Presiding Judge ng Manila RTC Branch 22, sa ilalim ng Criminal Case No. R-MNL-25-07000-CR na may petsang Setyembre 30, 2025.

Si Baleros, na dating district engineer ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office (LPM-DEO), ay nakadetine ngayon sa Baseco Police Station 13 mula pa noong Huwebes matapos magpiyansa ng ?48,000.

Nai-serve sa kanya ang warrant of arrest at ipinaliwanag ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Gumamit din ang mga operatiba ng body-worn camera/alternative recording device bilang pagsunod sa kautusan ng korte.

Gayunman, ang mga kasamahan niyang sina Ferdinand A. Villar, Dennis Aguilar, at Tony Espi ay nananatiling pinaghahanap hanggang ngayon, ayon sa mga operatibang nag-ulat kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos.

Iniimbestigahan din ngayon ng opisina ni Rep. Santos kung may kaugnayan si Ferdinand A. Villar kina dating Senador Manny at Cynthia Villar. Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source, si Dennis Aguilar ay dating konsehal ng Las Piñas.

Nauna nang sinibak si Baleros ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, matapos ibunyag ni Rep. Santos ang umano’y mga kuwestiyonableng transaksyon nito, kabilang ang sinasabing paglipat ng ?450 milyong pondo para sa mga flood control project na nakalaan sa Las Piñas.

“Ito ay simula pa lamang. Kung seryoso ang DPWH sa kanilang reporma, hindi lang dapat sibakin kundi kasuhan at ipakulong ang mga tiwaling opisyal na ito. Ang ?450 milyong ninakaw sa Las Piñas ay hindi basta numero lamang—iyan ay pera ng taumbayan. Hindi namin hahayaang mabaon sa katahimikan ang kasong ito,” pahayag ni Santos.

Batay sa mga rekord, noong Agosto 30, 2018, itinalaga ni noo’y DPWH Secretary—at ngayo’y Senador—Mark Villar si Baleros bilang acting head ng LPM-DEO bago siya tuluyang italaga bilang district engineer makalipas ang mahigit isang taon.

Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, mismong inamin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na si Villar ang nagtalaga sa kanya noong 2017, kabilang na ang ilan sa tinaguriang “Bulacan Group of Contractors (BGC) boys” gaya ng kontrobersyal na si Engr. Henry Alcantara at si Baleros.

Inaakusahan din si Baleros na ilipat ang pondo para sa ilang proyekto sa Las Piñas mula sa kanyang district office papunta sa DPWH National Capital Region office nang hindi kinokonsulta ang mga lokal na opisyal. Ang naturang hakbang ay umano’y inaprubahan ni dating Assistant Secretary Loreta Malaluan at kinumpirma ni Bonoan.

Dahil sa mga kuwestiyonableng transaksyon, naglabas si kasalukuyang DPWH Secretary Vince Dizon ng show cause order laban kay Baleros at siyam pang regional at district engineers dahil sa umano’y magagarbong pamumuhay at pagkakasangkot sa mga substandard na proyekto.

Binigyan sila ng limang araw mula sa pagtanggap ng order upang magsumite ng paliwanag. (Cesar Barquilla)