Advertisers

Advertisers

PAMIMIGAY NG AYUDA, KAILANGANG SABAYAN

0 18

Advertisers

MULING nagpamalas ng malasakit si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos pangunahan ang pamamahagi ng ?30 milyon na ayuda para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa Pampanga.

Hindi biro ang hirap ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa—malayo sa pamilya, nagsasakripisyo, at doble ang pag-aalala kapag may kalamidad na tumatama sa Pilipinas.

Kaya ang tulong mula sa gobyerno ay malaking ginhawa sa kanilang kalooban.

Ang programang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) ay malinaw na hakbang upang matiyak na hindi napapabayaan ang sektor ng OFWs.

Ang pagbibigay ng legal, medikal, pinansyal, at agarang tulong ay konkretong suporta na kailangan nila, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Nariyan pa ang karagdagang ?5,000 mula sa Office of the President (OP), na patunay na may malasakit ang pamahalaan sa bawat Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Hindi lamang OFWs ang natulungan ng Pangulo.

Sa Aeta community sa Porac, Pampanga, namahagi rin si PBBM ng mga kalabaw, kareta, at cash assistance.

Bukod pa rito, nagbigay din ng school supplies at Starlink units ang Chief Executive para mas mapalakas ang edukasyon at komunikasyon ng mga mag-aaral sa Katutubo Village.

Aba’y isa itong halimbawa na hindi nakakalimutan ng gobyerno ang ating mga katutubo na madalas nasa laylayan ng lipunan.

Dapat ipagpatuloy at palawakin pa ang mga ganitong hakbang ng pamahalaan.

Hindi lamang dapat limitado sa panahon ng bagyo o sakuna ang pagtulong sa OFWs, katutubo, at iba pang sektor.

Siyempre, ang mas mahalaga ay ang pagbuo ng pangmatagalang programa para sa kanilang kabuhayan, edukasyon, at kaligtasan.

Gayunpaman, dapat ding maging maingat ang gobyerno na hindi lamang puro ayuda ang ipamigay.

Kailangan itong samahan ng mga proyekto at polisiya na magbibigay ng mas matibay na pundasyon sa kabuhayan ng ating mga kababayan.

Ito’y dahil ang tunay na malasakit ay hindi nasusukat sa isang araw na pamamahagi, kundi sa tuloy-tuloy na pagbabago sa kanilang pamumuhay.

Kung mapapanatili ang ganitong uri ng malasakit at serbisyo, magiging mas matatag ang tiwala ng taumbayan.

Ang mga OFWs, katutubo, at iba pang sektor ay tunay na makakaramdam na sila ay mahalaga, hindi lamang tuwing may sakuna, kundi sa lahat ng oras.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.