Advertisers
BUMAGSAK sa kamay ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinaguriang ‘Estafa King’ nang mamataan ito sa casino sa City of Dreams Casino sa Paranaque City, Metro Manila.
Sa report na ipinadala ni Colonel Nicolas Salazar Pinon, officer-in-charge ng Paranaque City Police Station, kay Southern Police District (SPD) acting director General Randy Arceo, kinilala ang nadakip na si Mark Allan Carvajal, 45 anyos, ng 212-A Mascarado St., Singkamas, Makati City.
Siya ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Honorable Judge Louie Brian Rosello Sze, Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 87.
Nabatid na si Carvajal ay matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa estafa case na isinampa laban sa kanya ni Eunice Soliven Acosta, isang negosyante sa Mandaluyong City.
Inutangan ni Carvajal ang biktima ng halagang P28 million sa katwirang gagamitin bilang puhunan sa pag-buy and sell ng mga high-end na sasakyan.
Sa kagustuhang makatulong ni Acosta, inisyuhan nito ng dalawang tseke si Carvajal na nagkakahalaga ng P13 million at P15 million.
Magkagayunman, tumalbog ang mga tseke ni Carvajal, dahilan para magsampa ng kaso si Acosta.
Si Carvajal ay isa umano sa kanang-kamay ni Hector Pantallana na nakakulong narin ngayon dahil sa umano’y kaso na ng multi-million peso na pang-i-scam.
Mula sa kinaharap na Criminal Case No. R-QZN-25-07857-CR o paglabag sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, ipinag-utos ang agarang pagdakip sa suspek na may ilang buwan ding nagtago sa mga awtoridad.
Isang impormante ang nakapagsabi sa mga awtoridad na si Carvajal ay naglalaro sa casino ng City of Dreams.
Kagyat na nagkasa ng operasyon ang pulisya, na nagresulta sa pagkakadakip kay Carvajal.
Kasalukuyang nakakulong si Carvajal sa Paranaque City Jail.
Walang inirekomendang piyansa laban sa suspek dahil sa bigat ng kasong kinakaharap nito.