Advertisers
GUMAWA ng kagila gilalas na kasaysayan sa larangan ng pulitika sa San Pablo City si Councilor Arcadio Najie B. Gapangada Jr. nang pabagsakin nito ang paghahari ng makapangyarihang Amante political clan sa naturang siyudad noong May 12, 2025 election.

Sa halos mahigit na tatlong dekada ay namayagpag ang angkan ng mga Amante simula noong dekada ‘90 nang mahalal bilang alkalde si Vicente Amante, ang kinilalang “patriarch” ng naturang angkan.
Sa mga sumunod na mga dekada ay nagpalitan lamang sa pamamahala ang kinikilalang angkan sa naturang siyudad. Naunang tinangkang agawin ni Gapangada Jr. ang pamamahala ng lungsod ng San Pablo sa mga Amante noong 2022.
Dahil sa kakulangan ng budget sa kanyang kampanya, ang dating 3rd District board member ng Laguna at konsehal ng Brgy. San Francisco ay nabigo sa una nitong pagtatangka sa pulitika.
Naungusan ni Gapangada Jr. ang noon ay incumbent Mayor Vicente Amante na ang tanging pinanghahawakan ay ang hangaring maisulong ang programang pang edukasyon, pangkalusugan at pagpapaunlad ng industriya ng pagsasakahan, at doon nagsimula ang kanyang kamangha-manghang pag-imbulog tungo sa tagumpay.
Ilang buwan pa lamang bilang alkalde ng San Pablo City si Mayor Najie ay may isang city hall top official na ang gumagawa ng “milagro”. Ang “milagrong” ito ay malamang na posibleng hihila pababa sa pagbagsak ng liderato ni Mayor Najie.
Hindi muna ibinunyag ang pangalan, ngunit tiniyak ng ating KASIKRETA na hindi lamang ang political career ni Mayor Najie ang nalalagay sa alanganin ganun din ang kapakanan at kaligtasan ng libu-libong mamamayan ng siyudad ng San Pablo.
Malamang na walang kamalay-malay ang butihing alkalde na nag-ooperate sa “ibabaw ng tungki ng ilong” ng kanyang tanggapan at ng kapulisan ang may 10-kataong miyembro ng buriki/paihi sa kahabaan ng Maharlika Highway malapit lamang sa Tierra De Oro Resort, Brgy. San Antonio 1.
Anumang oras ay maaaring magkaroon ng posibleng pagsabog o sunog sa kuta ng paihian/burikian ng sindikato na magdudulot ng pinsala/kamatayan at malaking kapinsalaan sa mga ari-arian ng mga residenteng nakatira sa Brgy. San Antonio 1 at sa mga bakasyonista sa Tierra De Oro Resort na malapit sa naturang kuta.
Ang sindikatong armado ng mga baril ay pinamumunuan ng isang alyas Amigo na 24/7 na nagnanakaw ng mga petroleum product (gasolina, krudo at kerosene), Liquefied Petroleum Gas (LPG) at ng A-1 Jet Fuel na gasolina ng eroplano at nag-iimbak ng nakaw na produkto sa nababakudang kuta sa naturang barangay.
Pagkatapos pagnakawan ang mga tanker truck ay binabantuan ng grupo ni alyas Amigo ng Methanol ang mga petroleum product upang hindi mahalata na napagnakawan na ng sindikatong buriki ang kargamento ng naturan mga tanker at capsule truck.
Alam din kaya ni Mayor Najjie ang nagaganap na malawakang nakawan ng produktong petrolyo sa kanyang hurisdiksyon? Tiniyak ng source sa SIKRETA na pinagkakakitaan ng daang libong piso linggo-linggo ng isang official sa municipal hall na nagbigay ng permiso upang makapag-operate sa San Pablo City ang naturang sindikatong paihi. Ilang mga pulis ang nasa payola ni alyas Amigo kapalit ng malayang pag-ooperate ng grupo nito sa Maharlika Highway, San Pablo City.
Walang aksyon laban sa naturang sindikato sina Laguna OIC Provincial Director Col. Jonar R. Yupio at San Pablo City Police Chief LtCol. Redentor Tiraña. Sa administrasyon ng mga Amante ay hindi nagkaroon ng puwang na nakapag-operate ang mga ilegalistang buriki/paihi sa siyudad ng San Pablo. Sa panahon kaya ni Mayor Gapangada? Ayaw na ayaw din ni Laguna Governor Sol Aragones ng ganitong uri ng ilegalidad. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144