Advertisers

Advertisers

SENADOR ERWIN TULFO IPINANUKALA ANG ISANG BUWANG WALANG KALTAS NA TAX SA SAHOD

0 19

Advertisers

Inihain ni Acting Senate Blue Ribbon Committee Chairman, Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng isang buwang walang kaltas na tax sa mga sahod ng manggagawa bilang tugon sa kasulukuyang kontrobersiya kaugnay ng bilyon-bilyong pisong ghost infrastructure projects.

Ang paghahain ni Tulfo ng Senate Bill No. (SBN) 1446 o “One Month Tax Holiday of 2025” ay bilang pagtugon sa pangangailangan ng mabilis at agarang solusyon na magbabalik ng benepisyo direkta sa mamamayan—lalo na sa sektor ng manggagawa.

“Dahil dito sa mga sunod-sunod na pagkakalantad ng umano’y ghost flood control projects na may halagang bilyon-bilyong piso mula sa pondo ng bayan, wala ng tiwala ang publiko sa pamahalaan. Malinaw ang panawagan ng sambayanang Pilipino—‘Ibalik ang pera ng bayan. Ibaba ang tax,’” ani Tulfo.

“‘Naniniwala tayo na ang kapakanan ng mamamayan ang pinakamataas na batas. Kailangan na pong tumugon ng Estado sa tao sa pamamagitan ng paghahatid ng konkretong ayuda sa mismong mga nagbabayad ng buwis at sa mga bumubuhay sa gobyerno,” diin pa niya.

Sa panukalang batas ni Tulfo, ang isang beses na one-month income tax holiday ay ipatutupad sa mga indibidwal na nagkakaroon ng compensation income. Ang implementasyon ay sa unang payroll month kasunod ng pag-apruba ng panukalang batas.

Para naman sa mga “mixed income earners,” tanging ang mga maituturing na compensation income lang ang hindi papatawan ng buwis.

Hindi saklaw ng panukala ang mga mandatoryong kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), PhilHealth, Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), gayundin ang mga loan amortization at iba pang bayarin na kusang-loob na pinahintulutan ng empleyado.

Nakasaad din sa panukala ang isang “non-diminution clause” na magtitiyak na hindi maaaring ibawas o bawasan ng mga employer ang sahod ng mga empleyado dahil lamang sa ipinatupad na income tax holiday.

“Bagama’t kinikilala natin na ang pagbubuwis ang pinagkukunan ng pondo ng Estado, dapat din nating kilalanin na ang pinanggagalingan ng pondong iyon ay ang mamamayan mismo,” ani Tulfo.

Matatandaang si Tulfo ay mariing nananawagan sa mga imbestigasyon ng Senado patungkol sa mga flood control scam na ibalik ang pera ng taumbayan na umano’y kinulimbatng mga tiwaling opisyal at kontratista.

Samantala, nagpasalamat si Tulfo sa tiwala ni Senate President Tito Sotto at ng mga kasama natin sa Senado nang maitalaga siyang Acting Chairman tayo ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay makakahanap na rin ng permanenteng Chairman ang napakahalagang komiteng ito.

Batid ko po na maraming kababayan natin ang umaasa sa komiteng ito na imbestigahan ang lahat ng mga nagsamantala sa pera ng bayan ano pa man ang katungkulan nila sa pamahalaan o kulay ng politika,” ani Tulfo. (JERRY S. TAN)